NAGNINGNING ang mga celebrities sa naganap kamakailan na 35th Philippine Movie Press Club Star Awards kung saan humakot ng awards ang MMFF 2018 big winner na Rainbow’s Sunset.
Naiuwi nito ang Grand Prix award na Movie of the Year gayundin ang Director of the Year para kay Joel Lamangan at Movie Original Theme Song of the Year.
Nag-tie naman sa best actress award sina Kathryn Bernardo ng pelikulang The Hows of Us at Sarah Geronimo sa kaniyang pagganap sa Miss Granny.
Hindi naman makapaniwala ang songwriter-comedienne na si Ogie Alcasid nang parangalan siya ng Best Actor of the Year sa kaniyang role sa self-produced movie niya na Kuya Wes.
Kinilala naman bilang Indie Movie of the Year ang pelikulang Citizen Jake.
Samantala, ginawaran ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award ang beteranong aktor at direktor na si Dante Rivero.
Naganap ang PMPC Star Award sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.