Ni: Jomar M. San Antonio
LIBO-LIBONG tao sa Bangkok, Thailand ang nagsama-sama upang bigyan ng huling pamamaalam ang dating hari ng bansa na si King Bhumibol Adulyadej na yumao noong Oktubre 13, 2017. Sa saliw ng tambol at musika ng plawta, nagsuot ng itim na damit ang mga tao habang dinadala sa huling hantungan ang dating hari. Inabangan nila ang prosisyon bago i-cremate ang dating lider ng Thailand.
Pinalamutian ang mga gusali at mga kalsada ng dilaw na marigold na tunay namang nagpapaalala ng magandang nagawa ng hari sa estado. Maraming mga mamamayan ang nagdalamhati sa pangayayari na pinili pang dumayo sa Bangkok upang makisama sa huling paalam.
“This is the last goodbye. I really love and miss him. It is very difficult to describe,” ika ng nagluluksang si Pimsupak Suthin sa isang panayam ng Reuters, na bumiyahe pa mula sa probinsya ng Nan sa norte.
Si King Bhumibol na mas kilala bilang King Rama IX, ay namatay sa edad na 88 matapos ang pamumuno niya sa Thailand sa loob ng pitong dekada.May ginampanan siyang napakahalagang papel sa pagpapanatili ng katatagan sa mga taon ng kaguluhan sa pulitika. Dagdag pa rito ay siya rin ang namuno para sa mabilis na pag-unlad ng Thailand.
Sama-samang nagluksa ang bagong hari na si Maha Vajiralongkorn, ang tanging anak na lalaki ni King Bhumibol, at ang kanyang dalawang anak na babae at anak na lalaki na dumating sa Grand Palace suot ang kanyang pulang uniporme.