SUMAPIT na ang 4th Industrial Revolution, ang pagsasanib ng pisikal, digital, at biological worlds. Handa na ba ang Pilipinas para dito?
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
SA takbo ng panahon ngayon, kaagapay natin ang modernong teknolohiya tulad ng internet, smart phone, at computer sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Kung naghahanap ng kasagutan sa katanungan at iba pang impormasyon, andyan ang Google. Kung gusto natin maging connected sa mga mahal sa buhay saan man sa mundo, nandyan ang Facebook. Kung kailangan natin ng direksyon sa lugar na pupuntahan, nandiyan ang Waze.
Malaki ang naitutulong ng mga bagong teknohiyang ito para mapadali ang ating mga gawain. Kaya sa ngayon, obligadong matutunan ang paggamit ng mga ito dahil kapag hindi ka marunong, mapagiiwanan ka. Lalo na’t mabilis na ang progreso ng teknolohiya at halos taon-taon ay may bagong innovation, gaya ng kotseng kayang magmaneho mag-isa, mga robot na kumikilos, nagsasalita, at nag-iisip na parang tao. Yung mga dating napapanood lang sa pelikula, ngayon ay realidad na.
Ayon kay Professor Klaus Schwab, founder at executive chairman ng World Economic Forum, sumapit na ang isang rebolusyon na magbabago sa pamumuhay, pagtatrabaho, at pakikipag-uganayan ng sangkatauhan—ito ang 4th Industrial Revolution.
Sa unang Industrial Revolution, naging industrial at urban ang maraming rural societies dulot ng imbensyon ng mga makina. Sa ikalawa, nagkaroon ng kapabilidad para sa mass production; at sa ikatlo nangyari ang digital revolution, kung kailan napalitan ang electronic at mechanical technologies ng digital technology, na siyang ginagamit natin ngayon.
Ayon kay Schwab, kakaiba ang 4th Industrial Revolution sa mga nauna dahil taglay nito ang iba’t-ibang bagong technology na pinagsasama ang physical, digital, at biological worlds na bumabago sa takbo ng mga ekonomiya, discipline, at industriya. Pinalawak at pinabilis ng teknolohiya ang ugnayan ng mga tao, pinataas ang efficiency sa trabaho, at lumikha ng mga paraan upang mapangalagaan at pagyamanin ang kalikasan, na unti-unting nasira ng mga nagdaang industrial revolutions.
Sa kabila nito, may pangamba na kung hindi makakasabay ang mga pamahalaan sa mundo sa pagbabago, maaring makapagdulot ito ng mga bagong security concern at lalong magwawatak-watak ang lipunan.
HINIHIKAYAT ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang mga entrepreneur sa bansa na iakibat ang teknolohiya sa pagpapalago ng kanilang mga negosyo.
DIGITALIZATION: SUSI SA PAG-UNLAD
Wala na ngang atrasan ang pagsabak ng mundo sa 4th Industrial Revolution kaya dapat itong paghandaan upang mapakinabangan ang mga benepisyong hatid nito na magpapaunlad ng kabuhayan.
Inaasahan ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) na palalakasin ng digitalization ang domestic output ng bansa sa mga financial technology innovation na nagpo-promote ng inclusive growth. Kaya naman isinusulong ng pamahalaan na mapayabong ang financial technology (fintech) dito sa bansa.
Ayon kay BSP Governor Nestor Espenilla Jr, maaring tumaas pa ng 14 porsyento ang gross domestic product (GDP) ng bansa kapag nalutas ang financial inclusion gap sa tulong ng fintech.
Dagdag pa ng BSP chief, naniniwala ang World Bank na malaki ang maitutulong ng fintech kaugnay ng regulatory initiative sa pagpapaunlad ng GDP. Malaki rin aniya ang potensyal ng ganitong teknolohiya para pababain ang remittance cost para sa mga overseas Filipino workers.
“Transaction costs for remitting $200 currently average at 7.1 percent of transaction amount globally. This can drop to as low as two percent,” wika ni Espenilla.
Bukod dito, isinusulong din ng pamahalaan ang iba pang online-based banking and financial services para sa mga mga Pinoy sa loob at labas ng bansa, at para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na pwedeng ma-access gamit ang mobile phone.
Naniniwala naman si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na malaking tulong ang teknolohiya sa mga MSMEs, na bumubuo ng 99.6 porsyento ng ekonomiya ng bansa, upang makasabay sa 4th Industrial Revolution. Kaya lagi niyang ipinapaunawa sa mga negosyante na, “Don’t fear digitalization, embrace it” dahil mas mapapadali nito ang kanilang trabaho.
“We have to teach our entrepreneurs and businessmen how to adapt to the dynamic landscape and adopt technology and innovation to further their businesses. It’s moving their enterprises from simply operating on “survival” mode to sustainability and success,” aniya.
Sa digitalization, mas malaki ang market access ng mga negosyante sa pamamagitan ng mga online platforms gaya ng Lazada at Shopee, kung saan pwede makasabay ang mga maliliit na negosyo sa malalaki dahil direkta nilang naititinda sa mga consumers ang kanilang produkto kahit na wala silang puwesto sa mga department stores.
“I believe the 4th Industrial Revolution is going to be pro–poor and pro–innovation, and will help our micro–entrepreneurs achieve real prosperity,” pahayag ni Concepcion.
Maituturing din na malaking hakbang para makasabay ang bansa sa bagong industrial revolution ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11165 o Telecommunting Act, na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na nag-institutionalize ng work-from-home na scheme sa pribadong sector.
Sa naturang batas, pinapayagan ang telecommunicating, o kapag ang isang empleyado ay nagtatrabaho sa labas ng opisina gamit ang computer technology bilang isang lehitimong paraan ng pagtatrabaho, on a voluntary basis.
AYON sa pag-aaral, nasa 800 milyong trabaho ang mawawala pagsapit ng 2030 dahil sa automation.
MALAKING HAMON
Sa kabila ng mga ito, naniniwala ang ilang eksperto na hindi pa ganap na handa ang Pilipinas sa 4th Industrial Revolution. Ayon kay Reynaldo C. Lugtu Jr. ng Hungry Workforce Consultancy, napag-iiwanan pa ang Pilipinas sa paggamit ng digital technologies sa trabaho. Karamihan umano ng mga kumpanya ay kasalukuyan pa lang sumasailalim sa automation process, na sana’y nagawa na noong 3rd industrial revolution.
“We are not yet even capitalizing on the 3rd industrial revolution. What more in the 4th industrial revolution? The 3rd industrial revolution is still being adapted by many organizations and companies in the Philippines. We have to fully capitalize on that first,” ani Lugtu.
Dahil dito, hindi pa lubusang matatamo ng bansa ang benepisyo ng digitalization gaya ng 50 porsyentong pag-angat sa productivity, at iba pang mga innovation.
Naniniwala naman ang isang ekonomista na mahalagang matugunan muna ng pamahalaan at mga kumpanya ang mga isyu sa labor relations at captial lalo na’t nakikitang uusbong ang “gig economy” o ang mga independent at freelance worker.
“The issues raised by the gig economy and non-regular employment contracts call for a rethink of labor laws in light of rapid technological and organizational changes,” pinunto ni Emmanuel Esguerra ng University of the Philippines.
Sa kasalukuyan, maaring masabi na maganda ngunit “risky” ang pagiging freelance worker dahil wala itong benepisyo na gaya ng itinatakda sa mga regular na empleyado.
Naniniwala din si Esguerra na nanganganib na mawala ang mga manual, routine, at blue-collar jobs sa pagratsada ng 4th industrial revolution.
Batay sa report ng McKinsey Global Institute, ang advancements sa artificial intelligence at robotics ay magdudulot ng pagkawala ng nasa 800 milyon na trabaho sa buong mundo pagsapit ng 2030.
Kapwa naniniwala ang dalawang eksperto na marami pang dapat maisagawang mga hakbang bago lubusang makasabay ang bansa sa digital trend na nagaganap sa buong mundo. Kaya naman kailangan matugunan ng pamahalaan, sa tulong ng lahat ng sektor, ang hamon ng 4th Industrial Revolution sa lalong madaling panahon.