SA bawat kompetisyon na salihan ni Simone Biles, hindi lamang isa kundi halos apat na ginto ang kanyang nauuwi . Sa edad na bente, patuloy na gumagawa ng ingay ang pangalan ni Simone Biles, sa kasaysayan ng gymnastics at telebisyon.
Ni: Ana Paula A. Canua
MULA sa foster homes hanggang maging international sweetheart patuloy na gumagawa ng ingay ang pangalan ni Simone Biles sa gymnastics dahil sa edad lamang na 20 taong gulang pinahanga ni Simone ang buong mundo sa angking galing at inspirasyong dala niya, patunay na hindi hadlang ang pagkabata upang maging bahagi ng kasaysayan.
Sa taas na 4’9”, nasungkit ni Simone ang apat na gintong medalya sa naganap na 2016 Rio Olympics, at tinaguriang most decorated female atlete ng kompetisyon. Dahil sa pinakitang galing kinilala bilang bagong ‘Star of American Gymnastics’ ang dalaga.
Mapait na simula
Pinanganak sa Columbus, Ohio noong March 14, 1997. Pangatlo sa apat na magkakapatid. Ang kanyang ina na si Shanon Biles ay walang sapat na kakayahan upang alagaan ang kanyang mga anak dahil sa pagkalulong nito sa droga at alkohol. Samantala ang kanilang ama ay hindi kailanman naging bahagi ng buhay ng pamilya dahil sa lulong din ito sa droga at alak.
Naglabas-pasok ang magkakapatid na sina Ashley, Tevin Simone at Adria sa foster care dahil hindi makahanap ng permanenteng magkakalinga sa kanilang magkakapatid.
Taong 2000 ng nakahanap ng tahanan ang magkakapatid sa piling ng kanilang lolo na si Ron Biles, ang ama ng kanilang ina. Kasama ng kanilang lolo at second wife na si Nellie Cayetano Biles, itinuring bilang mga tunay na anak ang magkakapatid. Taong 2003 opisyal na inampon ng mag-asawa sina Simone at Adria. Samantalang sina Ashley at Tevin naman ay napunta sa pangangalaga nina Ron at Adam, anak ni Nellie. Kahit bukod na pamilya ang napuntahan, ay palaging nagkikita-kita ang magkakapatid at nanatiling malapit sa isa’t isa. Sa kabila ng mapait na sinapit sa tunay na pamilya, nakatagpo pa rin ng tunay na pagmamahal ang magkakapatid na Biles.
Sa kanilang paglaki
Lumaking mapagmahal at may takot sa Diyos ang magkakapatid , katulad ni Simone hilig din ng kanilang bunsong kapatid na si Adria ang gymnastics.
Malaking bagay para sa magkapatid ang suportang binibigay ng kanilang lolo at lola.
15 anyos si Simone ng maging bahagi ng National gymnastics team. Nagsimula ang kanyang trainings upang maging pinamagaling na gymnast sa buong Amerika. “I never thought about competing in the Olympic games when I was growing up, until I become part of the team with Kyla (Ross) and Jordyn (Wieber) ! perharps I can be there myself one day”, parehas na bahagi sina Kyla at Jordyn ng USA top gymnastics.
Bilang bahagi ng national team, nahasa si Simone dahil sa galing ng kanyang teammates, inspirasyon kung maituturing ni Simone ang bawat training kasama ang national team dahil imbes na mapressure naging hamon sa kanya ang masabayan ang competency level na kanyang teammates na kanya ring itinuturing na malalapit na mga kaibigan.
Gymnast sweetheart
Mula sa junior level mabilis ang pinakitang ‘progress’ ni Simone sa floor, balance beam at vault gymnastics. Nahasa rin ni Simone ang kanyang individual-all around gymnast performance. Taong 2013 sa kanyang kauna-unahang international tournament nag-uwi ng apat na medalya si Simone, tig-isang ginto sa floor at individual all-round, silver sa vault samantalang bronze sa beam.
Taong 2014 sa kasagsagan ng magandang karera sa kompetisyon, dumanas sa malaking hamon si Simone matapos sapitin ang isang shoulder injury.
Matapos maka-recover, bumalik ang mabangis na si Simone sa court upang sungkitin ang apat na gintong medalya sa World Championships sa Nanning, China.
Sa kauna-unahang pagkakataon gumawa ng kasaysayan si Simone bilang kauna-unahang babaeng atleta na nanalo ng three consecutive world all-around titles.
Magnificent Success
Rio Olympics 2016, isang malaking kompetisyon para sa mga atleta, muling nag-uwi si Simone ng limang medalya, apat dito ay ginto.
Muling naging bahagi siya ng kasaysayan bilang pang-apat sa mga atleta na nag-uwi ng apat na titulo sa kompetisyon sa loob lamang ng isang taon. Kabilang sa mga nasa kasaysayan ay sina: Larissa Latynina, Agnes Keleti noong 1956, Vera Caslavska noong 1968 at ni Ecaterina Szabo noong 1986 at ngayon si Simone Biles, 2016.
Napansin naman ng beteranong Romanian gymnast na si Nadia Comaneci si Simone dahil sa kagilalas-gilalas na porma nito sa beam at field na nagresulta sa nakakamanghang record sa murang edad, na kanyang tinawag na “magnificent success”.
“My first Olympics and I’ve walked away with five medals: that’s not disappointing at all. It shows dreams can come true. I’m not the next Usain Bolt or Michael Phelps: I’m the first Simone Biles,” taas-noong sabi ng atleta.
Best female atlete
Taong 2017, pahinga muna sa kompetisyon si Simone at inilaan ang buong taon sa training, kasabay nito hinirang bilang Best female Atlete si Simone ng ESPY, taong 2009 ng huling ibigay ang award na ito kay Nastia Liukin.
Dahil na rin sa popularidad na nakamit sa larangan ng pampalakasan, naging bahagi ng tv show na ‘Dancing with the Stars’ si Simone, pag-aamin niya ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nakasayaw siyang lalaki, “All of America is watching me dance with a boy, in the beginning practices. He would try to get so close to my face and I would try to back up and be like stop!, he’d say ‘you can’t do that’ and I was like ‘don’t touch me,” natatawang sabi ng dalaga.
“I’m like, ‘my mom is going to see this and she’s going to die’’ dahil sa pangamba matapos lumaki sa konserbatibong pamilya.
Plano sa 2020
Matapos makilala sa sports at TV, hindi tumitigil si Simone sa pagkamit ng pangarap lalo pa’t bata pa siya at malayo pa ang pwedeng marating. Sa kabila ng ningning, nanatiling mapagkumbaba at malalim ang pagmamahal ni Simone sa gymnastics, sa ngayon patuloy ang paghahanda ni Simone para sa 2020 Olympics. Ngunit habang hinihintay ang 2020, tuloy muna sa laban si Simone sa national at international scene.