Pinas News
TINAGURIANG mga “Bagong Bayani” at “Best Exports” ng Pilipinas ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa malaki nilang iniaambag sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang remittances.
Nitong Mayo, umabot sa $2.3 bilyon ang kanilang remittances na dahilan kung bakit nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa.
Nasa2.2 milyon ang bilang ngmga OFWs na nakakalat sa iba’t-ibang mga bansa ayon sa Philippine Statistics Authority. Base sa isang pag-aaral, patuloy na pinagkakatiwalaan at hinahanap ng mga kumpanya sa ibang bansa ang manggagawang Pinoy dahil sa angkin nitong kasipagan, diskarte, pagiging magalang sa mga superiors, katapatan, at ang kakayahang makipagsalita at makaintindi ng English.
Nguni’t ngayon, hindi lamang sa trabaho “wais” ang ating mga kababayang OFWs, kundi maging sa paggastos ng kanilang kinikitang salapi batay sa isang pagaaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Base sa resulta ng pinakabagong Consumer Expectation Survey (CES), dumami ang bilang ng mga OFW ang naglalagak ng bahagi ng kanilang sweldo sa mga investments tulad ng pagnenegosyo, bukod pa sa mga pangaraw-araw na mga gastusin at edukasyon ng kanilang mga anak.
Ipinahayag ni BSP Officer-in-Charge Diwa Guinigundo, dumoble ang bilang ng mga OFW households na nag-iinvest ngayong third quarter ng taon. Mula 4.4 percent ay tumalon ito sa 8.5 percent.
Dagdag na punto ng naturang opisyal, ang naturang bilang ay apat na beses na mas mataas kumpara sa 2.3 percent na naitala noong first quarter ng 2007 kung kailan sinimulan ang CES.
Ang CES para third quarter ng 2017 ay isinagawa nitong Hulyo, na nilahukan ng 5,430 respondents.
Kung pagbabatayan ang naturang survey, marami na sa ating mga kababayang OFWs ang nakakapag isip-isip na “walang forever” pagdating sa pagtatrabaho sa abroad. Minimithi nilang makabalik sa lupang kinagisnan upang makasama muli ang kanilang kani-kaniyang mga pamilya pagkatapos ng kanilang career sa ibang bansa. Kaya naman nagsisikap silang makapagpundar ng sariling negosyo.
Si Richel Furuc ay limang taon nang nagtatrabaho bilang full-time house helper sa Hongkong. Sa kaniyang off-hours, suma-sideline naman siya bilang photographer at disc jockey sa isang radio station na nagbibigay aliw at impormasyon sa mga kapwa Pinoy sa Hong Kong.
Ibinahagi ni Furuc na kailangan niyang kumayod nang maigi upang patuloy na masustentuhan ang mga pangangailangan ng kaniyang mga magulang at kapatid sa bayan ng Jones, sa Isabela province—lalo na ng kaniyang 12-taong gulang na anak na lalakena nasa grade 7 na ngayon.
Aniya, talagang pinagsikapan niya na makapagpundar ng mga negosyo tulad ng babuyan, pampasaherong jeep, at sari-sari store sa kanilang lugar bilang paghahanda sa kaniyang muling pagbabalik sa Pilipinas upang makapiling muli ang kaniyang anak at magabayan ito sa kaniyang paglaki.
“Gusto ko pag-uwi ko sa Pilipinas, may kinikita pa rin ako. Ayoko maging tambay. Kailangan patuloy akong kumita para sa kinabukasan ng anak ko,” wika ni Furuc, na isang single mom. “Hindi biro ang magpalaki ng anak ngayon.”
Sinabi pa ni Furuc na naglalaan na rin siya ng budget para sa next business venture niya na bakery, na itatayo din sa kanyang hometown.
Halos ganito rin ang ginawa ng dating OFW na si Ronelyn Achacoso na minabuting makapagpundar ng negosyo sa Davao City. Sa kaniyang pagtatrabaho bilang house helper sa Brunei, siya ay nakaranas ng pagmamaltrato sa mga kamay ng kaniyang mga dating amo doon, na pinagbintangan pa siyang magnanakaw. Ngunit sa kabila ng madilim na bahagi ng kaniyang karera, sinikap niyang makabangon at ipagpatuloy ang laban ng buhay.
Sa kaniyang pagbalik sa Pilipinas, naghanap siya ng negosyo kung saan magagamit niya ang kaniyang talento at hilig sa arts and crafts. Kaya naman naisip niya na magtraining ng handicraft making. Siya ay sumali sa mga training na ibinibigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) tulad ng flower-making at do-it-yourself invitation card designs gamit ang abaca sheets. Dahil sa kaniyang pagsusumikap, nagawa ni Achacoso na mapalago ang kaniyang negosyong Nelyn’s Handicrafts.
Sa kasalukuyan, isa si Achacoso sa mga pangunahing supplier ng handicrafts sa mga department store sa Davao City. At hindi niya sinasarili ang kaniyang kaalaman, bagkus ay binabahagi niya ito sa mga kapwa former OFWs at mga kababaihan sa kaniyang lugar na nagnanais din sumabak sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga workshops.
“Our country is not a wealthy country, so we need to create wealth through our own efforts. Put up a business which is suited to your skills, knowledge, and capabilities. Don’t be discouraged; it’s just normal for a businessman to experience ups and downs,” wika ni Achacoso, na nagsisilbing inspirasyon sa kaniyang mga kababayan.