NI: JONNALYN CORTEZ
SA panahon ng pagbabago ng klima at pagdami ng basura, may isang kainan sa Quezon City kung saan sustainable hindi lamang ang pamamaraan ng pagkain kundi ng buong lugar.
Ang Gubat sa loob ng University of the Philippines Diliman campus ay kilalang kainan kung saan walang pinggan, kutsara, at tanging kamay mo lamang at dahon ang magsisilbing pangkain.
Matatagpuan ito sa likod ng mga halaman at naggagandahang bonsai, sa gitna ng Diliman Bonsai Society.
Rural area sa gitna ng Maynila
Mula sa konkreto, mausok, at maraming tao sa labas ng kainan, masusurpresa ka ng magagandang landscape, mga kahoy na interior, at nakaka-relax na atmosphere sa loob ng Gubat. Dadalhin ka nito sa rural area sa kalagitnaan ng Maynila.
Mula sa mga plastik na tarpaulin hanggang sa mga iba’t-ibang bote, lumang lutuan, libro at maging gamit na colander, ni-recycle ang lahat ng mga ito upang gamiting bubong, display at bulb shades.
Kwento ng co-founder ng Gubat na si Biboy Cruz, tila love at first sight ang kanyang nadama nang makita niya ang bakanteng lote na puno ng halaman sa Diliman Bonsai Society noong 2017.
“Wala pa ngang daan dito eh. Puro lang halaman na maraming marami,” sabi niya.
Agad nag-isip ng magandang pangalan ni Cruz para sa lugar at ng marinig ang tawag dito ng may-ari na “Gubat,” naisip niyang ito ang perpektong pangalan para rito.
“Narinig ko kinakausap ng business partner ko na si Cereb ‘yung nanay niya na may-ari ng area na nito. Tinatawag nilang ”yung gubat. ‘Nandiyan ka ba sa gubat? Nasa gubat ako.’ Na-excite ako bigla, so ‘yun, naging Gubat,” dagdag niya.
Kamayan at paggamit ng dahon ng saging
Dati na may kainan sa Aurora si Cruz na tinatawag na Kusina Luntian na naghahain ng mga inihaw na pagkain. Kaya naman, dinala niya sa Maynila ang simpleng mga pagkain ng kanyang unang restaurant na patok na patok sa mga turista, at binago ito.
Sa Gubat, imbes na inihaw, ginawang prito na lang ni Cruz ang mga pagkain upang bumagay sa lugar.
Dinala rin ni Cruz ang paggamit ng dahon ng saging bilang pinggan mula sa Kusina Luntian papunta sa Gubat.
“Mag-isa talaga ako noon. Ako ang taga-luto, taga-hugas, taga-serve ng customers. ‘Di ko na talaga kaya, so ginawa kong banana leaf nalang, to save time, energy, and efficiency,” kwento niya.
“Sa Baler palang, kamayan na at banana leaf. Naisip ko, parang bagay din naman dito,” dagdag pa niya.
Nililinis ang mga dahon ng saging tuwing umaga matapos itong bilhin sa palengke. Minsan galing ang mga ito sa kapitbahay o sa mga kakilala na nagbebenta ng maramihan.
“Solid din ang pagkatipid namin sa panghugas, sa effort, at sa waste namin,” Biboy added. “Lalo na sa pagkakamay,” wika ni Cruz.
Halos puro biodegradable ang basura na nagmumula sa Giba na napupunta naman sa segregation facility na malapit dito. Wala ring plastik ang kainan ni Cruz. Kung may take-out, sa isang karton ng pagkain lamang ilalagay ito.