PANGULONG Rodrigo Roa Duterte at Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev
HANNAH JANE SANCHO
PARA kay Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev nakahanda ang kanilang bansa para tulungan ang Pilipinas sakaling magdesisyon itong magpatayo ng nuclear power plant sa bansa.
Kapag nuclear power energy ang pag-uusapan ang bansang Russia ang kilala bilang isa sa pinakamalaking producer nito sa buong mundo.
Ayon kay Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev kaya naman maituturing na super power ang kanilang bansa pagdating ng pagtayo ng mga nuclear power plant at nakahanda silang tulungan ang Pilipinas sakaling nakahanda na itong tanggapin ang nuclear energy.
“You know that Russia is a nuclear super power. We have the most sophisticated technology in this field and we are ready to help the Philippines in developing your nuclear industry provided that our Philippine partner wants it. So what we have as of today is a memorandum of intention,” ani Amb. Khovaev.
Nilinaw ni Amb. Khovaev na wala pang kasunduan sa dalawang bansa para magtayo ng nuclear power plant kundi pagpapahayag lang ng intensiyon ng kanilang bansa sa posibilidad na magtayo sila sa Pilipinas.
Iginiit ng Russian Envoy na nasa kamay pa rin ng gobyerno ng Pilipinas at ng taumbayan ang desisyon kung nais nila itong ikonsidera bilang isa pang mapagkukunan ng enerhiya ng bansa.
Pinawi ni Amb Khovaev ang agam-agam ng marami kaugnay sa usapin ng kaligtasan dahil na rin sa ang Pilipinas ay isa sa mga bansang madalas niyayanig ng lindol.
Paliwanag ng Russian Ambassador na pagdating sa pagtayo ng nuclear power plant ang bansang Russia ang pinaka-sophisticated at pinakaligtas.
Patunay dito ang nasa mahigit 30 nuclear power plants na naitayo sa iba’t ibang panig ng mundo gaya ng India, Bangladesh, Turkey at Hungary.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaniya munang kokonsultahin ang kaniyang gabinete at iba pang may taya sa usapin ng pagtatayo ng nuclear power plant sa bansa.