Ni: Melody Nuñez
IPAKIKILALA sa publiko ng Kentucky wildlife officials ang isang copperhead snake na may dalawang ulo sa isang wildlife center ng nasabing estado.
Isinilang ang nasabing ahas noong nakaraang Oktobre at nadiskubre ito ng isang mag-asawa sa Leslie County.
Kaagad na ibinigay ng mag-asawa ang ahas sa Salato Wildlife Education Center sa Frankfort, ang lugar kung saan ipapakita ito sa publiko sa unang pagkakataon.
Bata pumasok sa baggage X-ray sa isang train station
UMAKYAT ang isang bata sa baggage belt at pumasok sa baggage X-ray sa Xiaolan railway station sa Zhongshan City, Guangdong Province, China.
Ngunit hindi ito napansin ng kanyang ama kaya’t laking pag-alala na lamang nang mawala ang kanyang anak sa kaniyang tabi.
Buti na lamang natagpuan niya itong gumapang palabas sa X-ray machine kasabay ng mga bagahe.
Ipinakita ng pangasiwaan ng tren ang video ng batang nakuhanan ng X-ray sa loob at sinabing walang pinsalang naidulot ito sa bata.
Satelite fuel tank nahulog sa kakahuyan sa California
NADISKUBRENG isang fuel tank mula sa satellite ang natagpuang metal na nahulog sa kakahuyan ng Hanford, California.
Sa pag-iimbestiga ng Air Force base, nakilalang isang fuel tank ang nasabing bagay mula sa isang communication satellite na pagmamay-ari ng mobile satellite communication company ng Iridium.
Sinabi naman ng Iridium na pagmamay-ari nga nito ang fuel tank at mula ito sa Iridium Satellite #70 na ipinalipad noong 1997.
Oregon family nanawagan sa nawawalang inukit na malaking ilong
NAG-ALOK ang isang pamilya sa Oregon ng $6.27 na pabuya upang maibalik ang isang 50-pound na inukit na ilong na ninakaw sa balkon ng kanilang bahay.
Ayon sa Albert family, kinuha lamang nila ang 2-foot-tall sculpture sa isang basurahan ngunit naging palamuti ito ng kanilang bahay simula pa noong nakaraang Halloween.
Napamahal na sa pamilya ang eskulturang ilong kaya naman ay naglagay ito ng mga karatula sa lugar para maibalik ang naturang bagay.
Kahoy na tulay lumaylay sa bigat ng bus sa Arkansas
NAKUHANAN ng isang babae ang video ng lumaylay na kahoy na tulay dahil sa sobrang bigat ng dumaan na bus na napakalayo sa naka post na weight limit sa Beaver, Arkansas.
Ayon sa mga opisyal, ang nasabing bus ay may timbang na 35 tonelada na napakalayo sa itinalagang 10-toneladang weight limit ng Beaver Bridge.
Ayon sa kumuha ng video na si Barb Hartman Mather, kibit-balikat lamang ang driver ng bus sa limit signs na naka post sa tulay.
Ayon naman sa mga inspector, wala namang nakitang pinsala sa nasabing tulay.