NAKAGUGULAT ang resulta ng 2016 bar examination results na inilabas kamakailan lamang. Ito na ang may pinakamaraming bilang ng pumasa sa nasabing pagsusulit na umabot sa 59.06% na ibig sabihin ay 3,747 ang nagtagumpay mula sa 6,344 na aspirante. Pangkaraniwan sa bar exams ay 25%-30% lamang ang pumapasa taun-taon. Ang bar exams ay kaila ngang ipasa para ang nagtapos sa kursong batas ay maging ganap na abugado.
Maliban sa pinakamataas na bilang ng pumasa, ang higit na nakagugulat ay wala sa top ten ang anumang paaralan ng batas sa Metro Manila. Tuwing lalabas ang resulta ng bar exams ay pang karaniwan na ang lahat o mayorya ng nasa top ten ay mula sa paaralan ng batas sa Metro Manila tulad ng University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila, San Beda at University of SantoTomas (UST). Subalit sa 2016 bar exams ay walang isa man sa top ten ang nagtapos sa mga paaralan ng batas sa Imperial Manila. Humihingi ako ng paumanhin sapagkat may mga paaralang nasa top ten ang hindi ko alam na may ganoong paaralan at lalong hindi ko alam kung saan matatagpuan ang mga ito.
Ang numbers 1, 3, 7 at 8 ay mula sa San Carlos University. Ang numbers 2, 9 at 10 ay mula sa Silliman University. Tumabla sa number 3 ang mula sa Andres Bonifacio College. Ang number 4 ay mula sa University of San Agustin. Ang number 5 ay mula sa Ateneo de Davao University. Ang number 6 ay mula sa Northwestern University. Tumabla sa number 9 ang mula sa University of Batangas. Kitang-kita na ang labindalawang (12) nasa top ten ay walang mula sa College of Law sa Metro Manila.
In fairness sa mga paaralan ng batas sa Imperial Manila, maraming bagong abugado ang nagtapos sa mga ito. Subalit kung susuriing mabuti, marami sa mga mag-aaral ng batas ay mula sa malalayong probinsiya na nag-aral sa Metro Manila dahil (Sundan sa pahina 5) paniwala ay mas malaki ang pag-asang pumasa sa bar exams kapag sa mga ito nagtapos. Ngayon ay mababago na ang paniniwalang ito at maiisip na kahit saan ka pa nag-aral sa bansa ay pareho lang naman ang mga probisyon ng batas na pinag-aaralan. Dahil dito, asahan na ang bilang ng mga estudyante sa mga paaralan ng batas sa probinsiya ay tataas at bababa naman sa Imperial Manila.
Uso ang probinsiyano ngayon hindi lamang sa telebisyon.