POL MONTIBON
ISA sa mga tinutukoy na dahilan ng pagbaba ng interes sa pag-aaral ng mga bata ay ang madalas na pagkababad sa paggamit ng smartphones at iba pang uri ng e-gadgets. Bagay na nakasisira din ito sa maayos na atensyon sa paaralan, na minsan nagdudulot din ng matinding epekto mula sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso lalo na ang cyberbullying, na kung di maagapan ay nauuwi rin sa malagim na suicide.
Sa pagpasok ng makabagong teknolohiya sa ating bansa partikular na sa mundong ginagalawan ngayon ng mga kabataan, hindi na maihihiwalay ang mga produkto ng teknolohiya gaya ng laptop, cellphone at iba pang uri ng e-gadgets.
Wala namang masama sa paggamit nito kung sa tama lang din namang paraan.
Gaya ng pagkuha ng mga mahahalagang impormasyon na makatutulong sa research at dagdag na kaalaman sa mga bata sa paaralan.
Pero kung ang mga ito ay nakaaapekto na sa pisikal at sikolohikal, lalo na sa mental na kalusugan ng mga mag-aaral, ibang usapan na iyan.
Kaugnay nito, isang panukalang batas ang binalangkas ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naghihikayat sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na ipagbawal sa mga estudyanteng 15-anyos pababa, ang pagdadala ng smartphones at anumang uri ng e-gadgets sa loob ng school premises.
Ibig sabihin, bawal na itong dalhin sa loob ng silid-aralan maliban nalang sa isinasaad sa panukala kung saan papayagan lang ang isang estudyante na dalhin ang kaniyang cellphone kung nalalagay sa panganib o may banta sa buhay, o kung talagang kailangan ito sa loob ng klase o kung may abiso mula sa isang doktor ang naturang pagdadala ng gadget ng isang bata.
Bago makapasok ang isang estudyante sa silid aralan, kailangan muna nitong i-surrender sa mga guro ang gadget hanggang ibabalik lang sa pagtatapos ng lahat ng subjects nito.
Sa ilalim ng panukala, sakaling bigong masunod ito ng mga estudyante, mahaharap ang mga ito sa kaukulang parusa sa ilalim naman ng student code of conduct.
Samantala, kung ang isang guro naman ay magpabaya sa nasabing batas, mananagot naman ito sa ilalim ng panuntunan ng Department of Education.
Naniniwala si San Jose del Monte Bulacan Lone District Congresswoman Rida Robes bilang siya rin ang tagapagtulak ng mental health wellness sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, na ang madalas na pagkahumaling sa gadget ng isang bata ay madalas ring may kaakibat na problema gaya ng kawalan ng interes sa sosyal na pamumuhay at ang malakas na epekto ng cyberbullying hanggang sa nauuwi sa suicidal o pagpapakamatay.
Ilang mga pag-aaral na nagbabawal ng pagdadala ng smartphones sa loob ng paaralan, nakatutulong sa pag- aaral ng mga bata
Sa bansang London, sinasabi na nagkaroon ng significant improvement sa performance ng mga bata sa paaralan matapos na i-ban ang pagdadala ng smartphones sa kanilang klase.
Habang noong 2018 naman sa France mas nakatulong sa pupil achievement at healthy social development ng mga bata ang nasabing regulasyon.
Mahalaga ani Robes na mapangalagaan ng bawat paaralan at tahanan ang mga kabataan sa tamang pagpapalaki at pagdidisiplina dahil sa bandang huli, patuloy pa ring tinitingala ng ating bansa ang makabayang pananaw ni Gat Jose Rizal na ang kabataan ang siyang pag-asa ng bayan.
“As a nation and responsible parents, we owe it to our future generation to shield them from unnecessary dangers and factors that hinder their full growth. And today’s biggest danger is the growing addiction to smartphones and other electronic gadgets,” pahayag ni Cong. Robes.