Ni: Quincy Joel V. Cahilig
ilang buwan matapos kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines (CPP), at mga sangay nito na National Democratic Front (NDF) at New People’s Army (NPA), tila nagkaroon ng sinag ng pag-asa ng muling pagkabuhay ng peace talks.
Iniutos kamakailan ng Pangulong Rodrigo Duterte na muling ipagpatuloy ang pakikipagnegosasyon sa mga rebeldeng komyunista, matapos ang ilang buwan ng batuhan ng maaanghang na salita ng magkabilang kampo.
“Let’s give this another last chance,” ito umano ang mga sinabi ng Pangulo ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, na tila nagbabakasakaling sa pagkakataong ito ay tuluyan nang makakamit ang inaasam-asam na pagtatapos ng 49 taong gusot sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NDF-NPA.
Nguni’t ipinahayag din ng Malacañang na ang takbo ng peace talks ay nakadepende kung sasang-ayon ang komyunistang pangkat sa mga kundisyon na ilalatag ni Pangulong Duterte.
“If [the group is]willing to talk under the conditions laid down by President Duterte, then the peace talks can resume,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque Jr.
Samantala, sa isang statement na inilathala sa kanilang website, ipinihayag ng CPP na bukas ito sa muling pagbuhay sa peace talks tungo sa pagresolba ng armadong pakikipagbaka.
“The Filipino people await a Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms that would address the aspirations of the people to seek an end to their oppressive and exploitative conditions,” nakasaad sa pahayag.
Hiling din ng CPP na pa-kawalan ang lahat ng political prisoners alinsunod umano sa napagusapan sa unang bahagi ng peace talks noong 2016 at ang pagtanggal ng bansag na terorista ang NPA.
Matatandaan na bago ang Semana Santa ay naghain ang 61 miyembro ng Kongreso ng isang resolusyon na nana-nawagan sa Pangulo na mu-ling buhayin at isulong ang usapang pangkapayapaan sa mga komyunistang rebelde.
Naniniwala ang mga kongresistang naghain ng reso-lusyon, kabilangng ang mga kilalang makakaliwa tulad nina Rep. Sarah Elago (KABATAAN party-list), Rep. Carlos Zarate (BAYAN MUNA party-list), Rep. Ariel Casilao (ANAKPAWIS party-list), Rep. Tom Villarin (AKBAYAN party-list), at Rep. Emmi De Jesus at Rep. Arlene Brosas (Gabriela Women’s Party), sa malaking nagawa ng kasalukuyang administrasyon na tugunan ang mga isyung ipinaglalaban ng mga kumyunistang grupo sa nakalipas na dalawang dekada.
Gusot sa peace talks
Sa simula pa lang ng termino ni Pangulong Duterte noong 2016, binitawan niya ang pa-ngakong lulutasin ang suliranin sa mga komulistang rebelde. Upang ipakita ang sensiridad sa kanyang pangako, sa ka-nyang unang State of the Nation Address ay nagdeklara ang Pangulo ng unilateral ceasefire sa CPP-NPA-NDF. Ito ay sinundan ng pagpapalaya sa 22 NDF consultants, na kinabibilangan ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, na inaresto noong 2014. Ito ay sinundan ng serye ng peace talks sa Norway, Italy, at The Netherlands.
Sa kabila ng peace talks, ay nagpatuloy pa rin ang mga opensiba at paghahasik ng karahasan ng NPA. Kaya dumating sa puntong napuno na ang Pangulo at nagdeklara siya na itigil na ang negosasyon noong Nobyembre 2017 at idineklara ang NPA na isang terrorist group.
Sinabi naman ni CPP Founder Jose Maria Sison noon na hindi na sila makikipagusap pa sa gobyerno dahil sa umano’y obsesyon ng Pangulo sa martial law at mass murder. Inakusahan din ng kaniyang grupo ang pagkabigo ng gobyerno na pakawalan ang mga political prisoners sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law and the Joint Agreement on Safety and Immunity.
Subalit hindi naman tuluyang isinara ng Pangulo ang pinto ng kapayapaan sa mga rebelde. Kailangan lang aniya magpalamig para mas mapag-isipan ang mga susunod na hakbang.
“Let’s give time for cooling off with the rebels,” wika ni Duterte sa ika 84-anibersaryo ng Department of Labor and Employment. “Pahinga muna tayo… nagkalabuan lang. Let us raise it (negotiation) to the level of walang atake.”
Duterte, tiwalang matatapos na ang giyera kontra NPA
Sa isang hiwalay na okasyon ay ipinahayag ng Pangulo na mataas ang kaniyang kumpyansang matatapos na ang kampanya ng militar laban sa NPA dahil sa maigting na paghimok ng gobyerno sa mga rebelde na sumuko at magbalik-loob. Tiniyak ng Pangulo na makakatanggap ang mga rebeldeng magbabalik-loob ng suporta.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines, mahigit 2,000 na ang bilang ng mga miyembro at mga taga suporta ng NPA ang sumuko sa pamahalaan. Batay sa report, nakatanggap ang mga sumuko ng P115,000 kapalit ng mga armas na kanilang isinuko.
Nitong Marso nga ay nakasama ng Pangulo sa isang pagsasalu-salo sa Malacañang ang nasa 700 na mga dating rebeldeng nagbalik-loob upang ipadama ang mainit na pagtanggap sa kanila ng pamahalaan. Binigyan din sila ng livelihood assistance, housing opportunities sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program. Sila ay ipinasyal din sa iba’t-ibang historic places para mag-alab ang pagmamahal sa bayan, at mahikayat sila na makiisa sa pagsulong ng progreso para sa bayan ng walang karahasan.
Dahil sa mga hakbanging gaya nito, marami ang naniniwala na, sa pagpupusigi ng kasalukuyang administrasyon, hindi magtatagal ay matatamo na din ang inaa-sam-asam na kapayapaan sa panig na ito— isang napakahalagang hakbang tungo sa pagsugpo sa kahirapan at pag-unlad ng Pilipinas.