POL MONTIBON
INILUNSAD ng Quezon City Government katuwang ang Small Business and Cooperatives Development Promotions Office (SBCDPO) ang pinaka-unang refilling station sa siyudad upang makatulong sa pagbawas ng single used plastic- ang Bring Your Own Bote (BYOB) store.
Ang nasabing tindahan ay isang zero-waste facility kung saan magdadala ang mga residente ng sarili nilang lalagyan o bote upang makabili ng pampalasa o gamit sa pagluluto tulad ng suka, toyo, at mantika.
Gawa ang naturang tindahan sa eco-bricks sa pakikipagtulungan ng Nutriasia Inc. at QC Environment Protection and Waste Management Department.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang programa ay isang hakbang para suportahan ang kampanya mg pamahalaan laban sa pagbabawal sa single used plastic sa bansa.
“This initiative is part of the city’s strong commitment to environmental sustainability. We are glad that nutriAsia chose us to be the first local government unit to engage with in this eco-friendly initiative,” ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Kamakaila’y inaprubahan ni Belmonte ang Ordinance No. 2876 na nagbabawal sa paggamit ng single-used plastics at iba pang disposable materials, kasama sa kautusan ang mga restaurants at hotels sa lungsod.
Matatagpuan naman ang naturang tindahan sa compound ng Quezon City Hall, at bukas ito sa publiko mula ala-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.
Bukod dito, mayroon din sa BYOB Store ng plastic collection drop box para sa discarded plastic bottles, containers, sachets, snack packs, plastic utensils at iba pang plastic materials.
Ayon sa pag-aaral ng Ecowaste Coalition, nasa 85% ng basura sa kailugan at ilang bahagi ng karagatan nito ay binubuo ng plastik na siya namang delikado sa buhay at nagdudulot ng malawakang pagkamatay ng yamang ilog at dagat sa bansa.