OTOP PRODUCTS – mga produktong ipinagmamalaki ng mga Pinoy.
Ni: Vick Aquino Tanes
INANUNSIYO ng Department of Trade and Industry (DTI) na kaya nang makipagsabayan ng Pilipinas sa export market dahil higit nang mataas ngayon ang kalidad ng mga produktong gawa sa bansa at lumago na rin ang export services ng Pilipinas.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, umangat ang lebel ng ating ekonomiya pagdating sa pagluwas at pag-angkat ng mga produkto.
Katunayan nito ay tumaas ng 3.2 percent ang total import services noong unang quarter ng 2018 na umabot sa US$6.38 billion mula sa US$6.19 billion noong 2016.
Sa Travel services ay nanguna rin ang bansa sa import services na umabot ng US$2.92 billion na tumaas ng 4.2 porsyento mula sa US$2.80 billion.
Sa Transport services ay umabot ng US$1.15 billion; other business services, US$1.10 billion; insurance and pension services, US$341.54 million; at sa telecommunications, computer, and information services, US$263.73 million na kung saan ay sumasabay na ang bansa sa teknolohiya.
Ayon kay Secretary Lopez, umaasa ang ahensya na magtutuluy-tuloy ang paglago ng ating export trade dahil malaki na ang improvement ng bansa pagdating sa kalakal.
Kabilang sa mga iniluluwas ng bansa ay ang electronic products, machinery at transport equipment at iba pang electronics na kung saan ay kaya nang makipagsabayan ng Pilipinas sa anumang meron mula sa ibang bansa.
Umaasa si Secretary Lopez na magpapatuloy ang paglago ng export trade base na rin sa magandang takbo ng kalakal sa bansa.
Dayuhan at turista sa bansa
Base sa datos ng DTI, umangat ang international tourist arrivals sa Pilipinas ng 9.7 porsyento na kung saan ay umabot sa 4.3 million visitors mula Enero hanggang Hulyo 2018, kumpara sa datos ng nakaraang taon.
Nakita naman sa mga datos na nangunguna ang South Korea sa mga top tourism market ng Pilipinas. Meron itong 21.8 percent share sa total tourist arrivals sa bansa mula Enero hanggang Hulyo 2018.
Pumapangalawa naman ang China na may 764,094 visitors sa bansa. Sinundan naman ito ng US na mayroong 649,496; Japan na may tourist arrivals na 366,649; at humahabol ang Australia na may 161,077.
Batay pa rin sa datos ng DTI, naitala ang highest number of tourist arrivals sa bansa —na 631,639 visitors —noong 2017, habang ang pinakamababang bilang ng mga bisita —474,854 bisita —ay naitala noong Hunyo 2017.
Ayon sa DTI na umangat ang international tourist arrivals sa Pilipinas.
Pagbaba ng dolyar kontra sa piso
Naging positibo si Secretary Lopez sa pagbaba ng halaga ng piso, ito ay dahil alam niyang may nakalaan pa para sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Ayon sa kanya, kahit mas pinipili ng ibang bansa na bumili o tumangkilik ng goods and services sa Pilipinas ngayong mababa ang halaga ng piso kontra sa dolyar, maaabot naman ng bansa ang target export volume ng DTI na 9 porsyento bago matapos ang 2018 kaya angat pa rin ang Pinoy.
Negosyo sa labas ng bansa
Hinihimok ni Secretary Lopez ang mga Pinoy na nasa United Kingdom na mag-invest sa pamamagitan ng paggamit ng mga produktong Pinoy kasabay ng pagsabay sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Matatandaang dumalo sa isang high-level Philippine economic briefing sa London si Lopez na kung saan ay nakasalamuha niya ang ilang Filipino businessmen sa UK para sa forum na tinawag nilang “Usapang Negosyo, Trabaho at Kabuhayan.”
Una nang sinabi ng DTI na nakapagbukas na sila ng Negosyo Center sa bawat munisipyo sa bansa na kasapi ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Dagdag pa nito, nagagawa na sa mga munisipyo at ilang probinsya sa Pilipinas ang pagtatayo ng negosyo kaya naman puwede rin ito sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng MSME development.
Layunin nito na makatulong sa mga maliliit na negosyo na kayang gawin ng Pinoy sa ibang bansa.
One Town One Product (OTOP) Next Generation Program
Muling hinihimok ng DTI ang mga MSMEs sa buong rehiyon na isali ang kanilang mga produktong Pinoy sa One Town One Product (OTOP) Next Generation Program.
Ayon kay Zenaida M. Quinto, senior trade and industry development specialist, layunin ng OTOP Next Gen ay mabigyan ng pagkakataon ang mga maliliit na negosyo na magbenta sa malalaking tindahan mula sa tulong ng ahensya.
Malaki ang tiwala ng DTI sa kanilang programa na kung saan ay sinisiyasat nilang mabuti ang mga sasaling negosyo, mino-monitor at pinapalakas ang mga OTOPreneurs sa kanilang kabuhayan.
Kasama sa mga OTOP products ay ang agri-based products, processed food and beverage, delicacies, agri-processing (coffee, coconut oil, cacao), food supplements, packaged culinary dishes, agricultural produce kasama na ang preserved at processed foods, industrial products, home (furniture, décor, houseware), fashion, garments and textiles, accessories, gifts and souvenir items, personal care at cosmetics and services.