ANG mga car-related na aksidente ay kadalasan gawa ng human error and distraction.
Ni: Maureen Simbajon
WALANG kaduda-dudang magkakaroon ng makabuluhang epekto sa buhay ng tao ang isang self-driving na sasakyan.
Ayon sa Forbes mayroon ng mahigit sa 1,700 na mga startups ang gumagawa ng paraan upang maisakatuparan ito kabilang na rin ang mga pangunahing car manufacturers na sumusuporta at namumuhunan sa paglago ng teknolohiyang ito.
Ang isang self-driving car na kilala rin bilang isang robot na kotse, autonomous o driverless car ay may kakayahang makaramdam ng kapaligiran at gumalaw nang may kakaunti o walang input mula sa isang driver.
Upang makita ang kapaligiran, ito ay gumagamit ng iba’t-ibang mga sensor tulad ng radar, computer vision, sonar, GPS, inertial units ng pagsukat at advance na sistema ng pagkontrol upang matukoy ang mga naaangkop na landas pati na rin ang mga hadlang, at mga angkop na karatula o palatandaan.
Sa nakaraang dalawang taon, nasubukan ang teknolohiyang ito sa Estados Unidos — kabilang na dito ang Uber na nakabili ng isang self-driving truck startup na Otto. Ang teknolohiyang ito ay nasa maagang yugto pa ng paggamit at pagsasaliksik at ang pinakahamon dito ay ang maisakatuparan ito kahit sa pinaka-mahihirap na daan katulad ng sa Maynila.
ANTHONY Levandowski, ang co-founder ng self-driving truck na Otto.
Kaligtasan sa daan
Ang human error ang nangungunang sanhi ng mga aksidente sa kalsada. Isang halimbawa rito ay ang pagmamaneho nang nakainom.
Bawat taon, higit sa 35,000 katao ang namamatay sa daan, at ang bilang na ito ay maari pang tumaas.
Ayon sa mga eksperto, malaki ang posibilidad na sa paggamit ng autonomous na sasakyan mapapababa ang istatistika ng mga car-related na aksidente sa daan.
Saad ng dating Sekretaryo ng Transportasyon na si Anthony Foxx, ang mga autonomous na sasakyan ay maaaring makatakbo nang mas malapit sa isa’t isa, dahilan upang mapababa ang negatibong epekto sa kapaligiran, mas matipid sa gasolina, at makabuluhang pagbaba ng panganib sa kalsada.
Tinatantya na maaaring maiwasan ang mga aksidente sa daan mula sa 75 hanggang sa 90 porsyento na nangyayari bawa’t taon sa pamamagitan ng paggamit ng autonomous na sasakyan.
AUTONOMOUS cars, nasimulan nang maisakatuparan.
Mas matipid at pinababang gastos
Ang mga autonomous na sasakyan ay mostly software on wheels. Ang teknolohiya na nagpapatakbo sa isang driverless na kotse ay nagbibigay daan upang mas ma-optimize at matiyak na ang fuel consumption ng bawat sasakyan ay mas pinababa. Inaasahan na makakatulong rin ito sa pagbawas ng fuel emissions hanggang 60 porsyento.
Bukod sa gasolina, kabilang sa maaring mabawasan ay ang demand para sa automotive insurance.
Maaari ring mabawasan ang pangangailangan para sa mga opisyal ng pulisya at mga aides sa kalsada na tumutulong sa regulasyon ng trapiko dahil mababawasan ang mga paglabag o mga pagkakamali kaugnay sa trapiko.
Dagdag pa rito, mapapababa na rin ang pangangailangan na manatili sa isang hotel magdamag kapag mahaba ang biyahe, dahil maaari nang makatulog o makapagpahinga ang bawat pasahero habang patuloy na bumabyahe.
Maaari ring makaranas ng mas kakaunting pangangailangan sa paradahan dahil maaari nang makalabas sa sentro ng lungsod at makahanap ng bakanteng ispasyo ang kotse kapag hindi ito ginagamit.
Posible na rin para sa mga kotse na mag-park ng mas malapit sa bawat isa.
Tinatantya na ang mga self-driving na sasakyan ay maaaring maka-park ng may 15 percent less space na magreresulta naman ng pagtitipid sa parking space sa mga lungsod o bayan sa buong mundo.
Sa larangan ng real estate, ang mga ispasyo na karaniwang nakalaan para sa mga driver ay maaari nang mailaan sa iba pang mga kagamitan.
KAKULANGAN sa tulog at pahinga ang isa sa mga pangunahing sanhi ng car accidents.
Mas sapat na oras
Ayon sa istatistika, taun-taon, ang mga taong naninirahan sa lungsod ay gumugugol ng halos pitong bilyong oras sa trapiko.
Gamit ang mga driverless na kotse maaaring ma-access ang mga up-to-the-minute data upang makatulong na subaybayan ang trapiko, pati na rin ang mga digital na mapa at iba pang kagamitan na maaaring makatunton ng pinakamabilis at pinakamainam na daan. Ang lahat ng ito ay magreresulta sa mas kakaunting trapiko at pagluwag ng trapiko.
Kapag patuloy ang pag unlad ng teknolohiya sa nalalapit na panahon, maaari ng maigugol ang oras na inilalaan sa pagmamaneho sa ibang mga bagay kagaya ng pagrerespondi ng mga email, pagbabasa ng balita, mabilisang pagkain kapag gahol sa oras, at ang pagtulog kahit ilang sandali pa bukod sa marami pang iba.
Maihahalintulad ito sa isang moving home. Magbabago ang mga interior ng kotse upang mas mapahusay ang pagpapahinga at kaalwanan ng mga nakasakay dito.
Sa nakalipas na 20 taon, ang paggamit ng isang autonomous na behikulo ay laman lamang ng mga pelikula, o hanggang panaginip lamang. Sa kasalukuyan, unti-unti na itong nagiging katotohanan.
Marami pang kinakailangang trabahuin upang ang self-driving car ay magamit ng nakararami nang ligtas, epektibo at fully autonomous. Karamihan sa mga naisagawa na ay tumutulong lamang sa mga driver na magsagawa ng iilang mga gawain, tulad ng pagpapanatili ng distansya at pagsesentro sa lane, subalit wala pang kotse sa ngayon ang maaaring magmaneho nang mag-isa sa isang buong hanay ng mga kalsada. Nangangailangan pa rin ito ng input mula sa isang driver subalit ayon sa mga ulat tila ang uri ng teknolohiyang ito ay maaari nang maisasakatuparan ng fully autonomous sa hindi nalalayong hinaharap.