MARGOT GONZALES
ISINUSULONG ni Sen. Bong Revilla ang paglalaan ng mga de-motorsiklong rescue in tandem ng mga pampubliko at pribadong ospital.
Sa ilalim ng Senate Bill 1120 o Rescue in Tandem na inihain ni Revilla, layon nito na mapabilis ang pagtugon sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal lalo na sa mga malalayong lugar na di maabot ng mga eksperto.
Sinabi ni Revilla na maraming dumaranas ng mga seryosong sakit at injuries sa malalayong lugar na hindi kayang abutin ng mga medical personnel.
Madalas din aniya na mabagal ang emergency response sa mga pasyente dahil naiipit ang mga ambulansya sa mabigat na daloy ng trapiko.
Naniniwala ang senador na mapapabilis ang response time at mapapahusay ang pangangalaga sa mga pasyente kung magagamit ng mga medical practitioner ang motorsiklo, lalo na’t madali itong makalulusot sa trapiko.
Hindi naman idinetalye ng senador kung sa motorsiklo mismo isasakay ang mga pasyente.