HANNAH JANE SANCHO
IMBITADO si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga leaders ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN para sa nalalapit na US-Asean Summit na gaganapin sa Las Vegas sa March 4.
Ang imbitasyon ni US President Donald Trump ay sa kabila ng ipinapanukala ng US Senate na huwag pahintulutang makapasok ang mga nasasangkot na opisyal ng Pilipinas sa pagkakakulong ni Senator Leila De Lima.
Sa isang pahayag sinabi ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na unang ipinaabot ang imbitasyon ng Estados Unidos sa Asean Summit sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre.
Muling pinaalalahanan ang mga Asean Leaders tungkol sa nasabing imbitasyon sa liham na ipinadala nitong January 9 lamang.
Hindi ito ang unang pagkakataon na inimbitahan si Pangulong Duterte na bumisita sa Amerika.
Si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang nagsabi na noong 2016 ay inimbitahan ni Trump si Pangulong Duterte sa White House nang magkausap ito sa telepono.
Muling inimbitahan si Pangulong Duterte ni Pres. Trump noong 2017 para talakayin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng strategic partnership ng dalawang bansa.
Gayunpaman wala sa mga imbitasyon na ito ang pinagbigyan ng Pangulong Duterte.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo noong Oktubre 2019 na isa sa dahilan kung bakit ayaw bumisita ng Pangulong Duterte sa Estados Unidos ay dahil sa masyadong malamig ang klima nito, mahaba ang biyahe at wala pa sa plano.
Magbabago kaya ang desisyon ng Chief Executive kung buwan ng Marso naman gaganapin ng Asean-US Summit?
Magugunitang inihayag ni Pangulong Duterte na nagkaroon ito ng “very bad case of colds” nang umuwi ito mula sa pagbisita nito sa Russia noong nakaraang Oktubre.
Gayunpaman nagpahayag noong nakaraang Hulyo si Philippine Ambassador to the United State Jose Romualdez na nagpahiwatig si Pangulong Duterte na pupunta ito ng Estados Unidos, timing na lamang ang tinitingnan kung kailan ito mangyayari.
Itong taong 2020 na nga ba ang tamang pagkakataon para kay Pangulong Duterte sa kaniyang kauna-unahang pagbisita bilang chief executive sa Estados Unidos?
Sa kabila nito, wala pang maibibigay na kasiguraduhan ang Malakanyang na ituloy ni Pangulong Duterte ang biyahe sa Amerika.