Ni: Quincy Joel V. Cahilig
SIYAM na buwan na lang at panahon na naman ng pambansang halalan o ang midterm elections kung kailan magkakaroon ng pagkakataon at kapangyarihan ang mga mamamayan ng isang demokratikong lipunan na pumili kung sinu-sino ang dapat iluklok sa Senado at sa iba’t-ibang mga lokal na pwesto.
Sa pagbubukas ng voters registration ng Commission on Elections (Comelec) nitong unang bahagi ng Hulyo dinumog na sila ng mga botante.
Ayon sa komisyon, nakatanggap sila ng halos 27,000 aplikasyon para bumoto sa May 2019 midterm polls sa Metro Manila pa lamang.
Sa kabuuan, nakatanggap sila ng 26,856 voter registration sa unang linggo ng Hulyo, kasama dito ang transfer/transfer with reactivation, reactivation, change/correction of entry and reinstatement of records sa listahan ng mga botante.
Subali’t sa kabila ng mga paghahanda at pananabik, makatitiyak ba ang mga Pinoy na mayroon ngang magaganap na eleksyon sa 2019?
No-El scenario, posible
Sa pagsisimula ng election fever, pinalutang ng ilang opisyal ang posibilidad na mabinbin ang halalan sa susunod na taon.
Ayon kay House of Representatives Speaker Pantaleon Alvarez, “praktikal” na hakbang lamang ang pag-antala sa 2019 midterm elections upang mabigyan ng sapat na panahon at pansin ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan mula sa unilateral-presidential tungo sa pederalismo, bagay na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magiging abala kasi a-niya ang mga miyembro ng kongreso sa maraming mga bagay tulad ng budget deliberations, filing of Certificates of Candidacy sa Oktubre, at kampanya sa Pebrero, kasama na dito ang holiday breaks. At ang mga ito ang magpapa-usad-pagong sa trabaho ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Papaano tayo magka-quorum dito? Syempre magkakampanya na yung mga congressmen, election yan eh, survival,” paliwanag ni Alvarez. “Paano natin gagawin ang proposal to revise the Constitution? Kung gusto nating matapos yan, para sakin, yun ang dapat pag-aralan na mabuti ang timetable.”
Ayon kay Alvarez, ngayong naisumite na sa kaniya ng Consultative Committee (Con-Com) ang draft ng Federal Constitution, kailangan doblehin ng Kongreso ang pagtatrabaho upang maisagawa nang agaran at maayos ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan ng bansa.
“Kung gugustuhin talaga na matapos ito, kasi kailangan mo ng focus dyan eh. Hindi pwedeng basta-basta na lang,” wika ng mambabatas na kilalang kaalyado ng Pangulo.
Bukas naman si Senate President Vicente Sotto III sa posibilidad ng pag-postpone sa nakatakdang halalan kung hindi matatapos ng Kongreso ang pagtalakay sa draft Federal Constitution sa Disyembre. Subali’t nilinaw niya na hindi pa konkreto ang naturang plano, dahil katatanggap pa lamang niya ng panukalang bagong Saligang Batas.
“Kung gusto namin tala-gang magawa agad ang Federal Constitution siguro yung election postponement ang kailangan. Basta step one, we give the Senate members a copy, we will discuss it na kami kami lang muna,” wika ni Sotto.
Dagdag ng Pangulo ng Senado, maaring magpasa ng resolusyon para sa isang constituent assembly ang dalawang kapulungan ng Kongreso upang talakayin ang draft Federal Constitution, at titignan nila kung kaya nilang tapusin ito sa katapusan ng taon.
“Then we call for a constituent assembly, sa akin lang ito hindi written in stone, if we pass a resolution calling for one, then we can decide if we can finish it by December or not. And if not, we can pass a law postponing elections,” sabi ni Sotto
Nguni’t salungat dito ang pananaw ng ilan sa mga kapwa niya senador.
Ayon kay Senador Francis Escudero, ‘di gaya ng barangay at SK elections, hindi pwedeng i-usad ang nakatakdang halalan dahil malinaw sa 1987 Constitution ang haba ng termino ng mga mambabatas.
“Hindi pwedeng i-legislate ‘yun dahil maliwanag na ang termino ng kongresista ay tatlong taon at magkakaroon ng halalan kada tatlong taon at ang termino ng senador ay anim na taon at magkakaron ng halalan kada tatlong taon para sa 12 miyembro,” aniya.
Mataas naman ang kumpiyansa ni Senadora Grace Poe na hindi makakalusot sa Senado ang pag-antala sa midterm elections dahil hindi katanggap-tanggap sa publiko ang alinmang hakbang para madaliin ang pagsasakatuparan ng pederalismo.
“I don’t think so, and the public should not accept this… Pero hindi nila talaga puwedeng gawing no election,” wika ni Poe.
“The Constitution specifically states when we are going to have the elections and 2019 is certainly an election year. You can probably amend the Constitution but even if you do, you need the Senate vote,” aniya.
Palasyo: Tuloy ang Eleksyon 2019, pero…
Sa gitna ng mga alingaw-ngaw ng No Elections, siniguro ng Malacañang na magkakaroon ng halalan sa susunod na taon, alinsunod sa batas.
“Like what we have been saying, the President is the implementor of the Constitution. Unless the date of election, as stated in the Constitution, has not been changed, the President will implement it – the 2019 elections will push through,” wika ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Nguni’t hindi naman niya itinanggi na posible ngang walang midterm polls kung mararatipikahan ang bagong Saligang-Batas bago ang nakatakdang petsa ng halalan.
“In which case, the ’87 Constitution would cease to have legal effect. But while there is still no new Charter, the President will make sure that there will be an election,” sabi ni Roque.
Naniniwala din aniya ang Malacañang na maisasagawa ang ratipikasyon ng bagong Konstitusyon sa susunod na taon, lalo na’t maraming kaalyado ang Pangulo na makakakumbinsi sa mga Senador na gawing prayoridad ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno.
Hiniling din umano ni Pangulong Duterte sa Senado at Kongreso na gumawa ng probisyon na bababa siya sa pwesto at magluluklok ang mga mamamayan ng isang transition leader para sa pagpapalit ng gobyerno tungong pederalismo.
Tuloy lang ang preparasyon
Siniguro naman ni Comelec spokesman James Jimenez na tuloy pa rin ang paghahanda ng ahensya para sa halalan sa susunod na taon.
“The institution remains focused on the task at hand: Preparing for the 2019 National and Local Elections, scheduled for May 2019. I believe the House Speaker has not actually or formally initiated any action to postpone the 2019 polls,” pahayag niya.
Ang voters registration ay isinasagawa sa mga tanggapan ng mga Election Officer sa buong bansa hanggang ika-29 ng Setyembre. Bukas ang mga tanggapan Lunes hanggang Sabado, kahit holiday, mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.