Ni: Beth Gelena
MULI na naman nagiging controversial ang TV host na si Willie Revillame. Usap-usapan kasi na papasukin na raw niya ang mundo ng pulitika.
Dahil sa mga picture na kuha nina Willie at President Rodrigo Duterte, marami ang naniniwalang papasukin na ng Wowowin host ang pulitika. Ang mga larawan ay kuha nang dumalaw si Willie sa wake ni dating Sen. Edgardo Angara kung saan naroron din ang Presidente.
Sa larawan ay magkatabi ang Pangulo at si Wille na mukhang nag-uusap ng masinsinan. Ayon sa impormasyon na nabasa namin sa Pep ay matagal na nag-usap ang dalawa. Tanong tuloy ng madlang people kung tatakbo nga raw ba ngayong 2019 elections ang mahusay na TV host.
Nito kasing mga nagdaang araw ay may mga lumalabas na tatakbo raw sa Quezon City si Willie. Pinabulaanan naman agad ito ng Wowowin host.
Nabalitaan na rin namin ang isyung papasukin ni Willie ang pulitika. Ang nakarating sa aming impormasyon ay magkaibigan sina Winnie Castelo at Willie at ang una raw ang humikayat sa kanya na tumakbo sa Quezon City bilang ka-runningmate nito.
Lahad ng aming source na walang katotohanan. Magkaibigan lang daw ang dalawa, at walang kinalaman sa pulitika kung sila ay nagkakausap. Aniya pa, ang magiging runningmate daw ni Castelo ay si Bingbong Crisologo bilang mayor at VM naman si Winnie.
Sabi nga namin kung ginusto ni Willie na tumakbo sa pulitika dapat ay noon pa nang kinukumbinsi siya ni dating Senador Manny Villar. At lagi ring sinasabi ni Willie noon na hinding-hindi niya papasukin ang pulitika.
Anyway, sa Oktubre pa ang filing ng candidacy at doon malalaman kung totoo ngang papalaot na rin sa pulitika ang Wowowin host. Abangan!!!
PHILIPPINE ISLANDS ASSASSINS GRAND WINNER NG TWTW, P2M ANG PREMYO
Samantala, nakatatlong taon na ang Wowowin sa GMA-7. Kasabay ng anibersaryo ay ang grand finals ng isang segment ng Wowowin, ang The Will To Win. Sampung buwan ang tinagal ng segment bago nakapili ang Kapuso variety game show ng 27 finalists. Walang age limit ang mga contestant kung saan iba’t ibang talento ang kanilang ipinakikita.
Sa 27 grand finalists mas naging outstanding ang Philippine Islands Assassins kaya sila ang tinanghal na grand winner kung saan ang premyo ay tumataginting na P2M.
Very touching ang mensahe at pasasalamat ng grupo. Anila, “Kasi ang Wowowin, salamin po ito ng lahat ng klase ng pagkatao po, sa lahat ng estado po ng tao. Siya po ‘yung nagiging salamin po. Kuya, maraming maraming salamat po. Maraming maraming salamat po. Ang TWTW ay isa lamang sa segment ng programa ni Willie.
THROWBACK NG MGA SHOW NI WILLIE
Bago nagkaroon ng Wowowin ay nakailang programa na rin ang TV host kung saan naka-tag ang kanyang pangalan na Willie.
Una ay sa Kapamilya network, ang WoWoWee. Sa programang ito umarangkada ang kanyang pangalan as a host. Maraming mga manonood ang gustung-gusto siyang panoorin ng personal. Ang pila noon sa ABS-CBN ay talagang hindi maubos-ubos. Katunayan, ang iba na nagmumula pa sa napakalayong lugar o probinsiya ay doon na natutulog sa palibot ng ABS-CBN.
Sa dami ng gustong mapanood ng personal si Willie, ay nagre-remote pa ang WoWoWee sa mga probinsiya at maging sa abroad. Lagi ngang sinasabi ng TV host sa kanyang programa hanggang ngayon “kung hindi ninyo kami napapanood ng personal lalo na sa mga walang TV sa kanilang tahanan ang programa ko ang lalapit sa inyo.”
Sa Wowowee rin nag-umpisa na naging controversial ang TV host dahil sa stampede na nangyari sa ULTRA kung saan marami ang mga nasaktan at namatay. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang magkabilang panig. Nagkademandahan hanggang sa umalis si Willie sa bakuran ng ABS-CBN.
Ilang buwan rin siyang namahinga at sa pagbabalik ay napunta sa TV5. Nag-umpisa siya sa programang Willing Willie. Muli nagkaroon ng kontrobersiya na nauwi sa demandahan kaya pinalitan ito ng Wil Time Bigtime hanggang naging WowoWillie.
Natapos ang kanyang kontrata sa TV5 at pansamantala uling tumigil sa paghu-host. After a year ay sa GMA-7 na siya napanood, that was 2015, ang Wowowin. Ang Kapuso network ang original home studio ni Willie dahil early 1980’s nang mag-start siya as co-host sa Lunch Date. Sabi nga niya, “ako ay bumabalik lang sa dati kong tahanan.”
Ang nakatutuwa kahit saang network mapanood si Willie ay sinusundan siya ng kanyang mga supporters.n