MAAARI na ring maparusahan ang mga anak na inabandona ang kanilang mga tumatanda o may sakit na magulang sa inihaing panukala ni Senador Panfilo Lacson.
Sa Senate Bill No. 29 o ang “Parents Welfare Act of 2019” ni Lacson, kailangan ng mga anak na bigyan ng nararapat na suporta ang kanilang tumatanda, may sakit at incapacitated parents.
Nakasaad sa panukalang batas na maaring maghain ng petisyon sa korte at humiling na mag-isyu ng support order laban sa mga anak na nabigo o tumangging magbigay ng suporta.
Sa ilalim ng bill, maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan o pagmultahin ng 100,000 pesos ang respondent na bigong makapagbigay ng suporta sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan na walang justifiable cause.
Habang pagkakakulong ng anim na taon hanggang sampung taon at multang hindi bababa sa 300,000 pesos ang parusa sa mga mang-iiwan sa kanilang mga magulang na may intensyon na abandonahin ito.
Layon din ng panukala na makapagpatayo ng old age homes para sa mga matatanda, may sakit at incapacitated parents sa kada probinsya at highly urbanized city.
MJ MONDEJAR