Ni: Eugene B. Flores
Pinaliligiran ng mga yamang natural ang kapuluang bumubuo sa Pilipinas. Bukod sa mga nakamamanghang tanawin at destinasyon, kilala rin ang mga lupaing ito sa napakalaking deposito ng yamang mineral, ika-lima sa mundo.
Dahil sa taglay na potensyal, naglipana ang mga kompanya ng minahan upang minahin ang mga yamang ito.
Ayun sa datos noong 2016, mahigit 100 kompanya ang gumagana sa bansa na nagmimina ng metal at hindi-metal. Nasa mahigit 1000 naman ang aplikasyon ng mga kompanyang nais magmina na hindi pa naaaprubahan.
Naging legal ang pagmimina sa bansa matapos gawing batas ang Philippine Mining Act of 1995.
Layunin ng batas na payagan ang mining industry sa bansa upang makatulong sa economic growth at magbigay ng progreso sa mga komunidad.
Tinatayang nasa mahigit 200,000 libo ang mga nagtatrabaho sa pagmimina at may ambag din ito sa gross domestic product (GDP) ng bansa. Nasa apat na porsyento naman ang tulong nito sa pagluluwas ng mga mineral na produkto ng bansa.
Ngunit bumababa ang mga ito sa sumunod na mga taon.
EPEKTO SA KABUHAYAN AT KALIKASAN
Matapos ang ilang dekada, nagpapatuloy pa rin ang pagmimina sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ngunit tila ang nais na progreso sa mga komunidad ay nagresulta sa pagkawasak ng mga ito.
Hindi maikakaila ang naibibigay na pera sa bansa ng pagmimina na umaabot sa P70 bilyon kada taon ngunit hindi rin maiaalis na labis naabuso ang kalikasan dahil sa gawaing ito.
Patunay dito ang mga probinsyang nawawalan ng hanap-buhay dahil sa epekto ng pagmimina sa kanilang mga bukirin at palaisdaan.
Naging banta rin sa seguridad ng mga mamamayan ang pagmimina sa kanilang lugar.
Isang halimbawa nito ay ang nangyaring trahedya sa Itogon, Benguet, matapos manalanta ang super typhoon Ompong.
Natabunan ang tinatayang nasa 100 katao nang magkaroon ng landslide sa isang mining site.
Dumipensa naman sa nangyari ang Benguet Corp dahil itinigil na nila umano ang operasyon sa mga lugar na malapit sa landslide ngunit hindi raw sumunod ang mga minero sa nais ng kompanya.
Nagbigay naman ng tulong medikal at sa paghahanap ang kompanya.
PILIPINAS HINDI ANGKOP SA PAGMIMINA
Muling nagbigay ng pahayag ang dating sekretarya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Gina Lopez ukol sa pagmimina sa bansa. Aniya, hindi angkop ang ganitong aktibidades sa bansang daanan ng mga bagyo at iba pang sakuna.
“We have typhoons, earthquakes, and ‘yung intensity and the incidents of typhoons are increasing every year. We are not fit for mining. Even if the mining companies are good, even if they behave, even if they do things well, we cannot avoid typhoons and calamities like that,” wika niya.
Binanggit din ni Lopez na hindi lamang sagana sa yamang mineral ang bansa bagkus ay pati sa yamang tubig at agrikultural.
“We are in geohazard zone and persist on doing the mining. Who takes the risk? Sino? Who benefits? Who makes the money? Parang a few people make the money, the community takes the risk, parang hindi tama ata ‘yan,” dagdag pa nito.
Bagama’t hindi nagtagal sa posisyon, nakilala si Lopez dahil sa pagpapahinto ng mga kompanyang minahan sa buong Pilipinas dahil sa ‘di umano’y iregularidad sa mga proseso nito na nagresulta sa pagkasira ng mga bundok at negatibong epekto sa mga komunidad.
Nagbigay ito ng maaring pagpilian ng bansa, ang pagmimina na tinawag niyang mapanganib o ang turismo at agrikultura na sagana rin ang bansa.
MGA MINAHAN SA BANSA MULING BIBISITAHIN
Dahil sa trahedyang naganap sa Itogon, inutusan ni Pangulong Duterte si Secretary Roy Cimatu ng DENR upang muling tignan ng seryoso ang mga minahan.
Nagbaba naman ng utos si Cimatu upang ipahinto ang operasyon ng mga small-scale miner sa buong rehiyon ng Cordillera.
“In view of this current situation in the Cordillera, to prevent further danger to the lives of our small-scale miners, I officially order cease and desist of all illegal small-scale mining operations in the whole of Cordillera Administrative Region,” wika nito.
Magiging mahigpit din umano ang ahensya bago aprubahan ang mga aplikasyon para sa Minahang Bayan site.
Kinababahala naman ni Senadora Leila De lima ang planong pagtatayo ng Ferro-Nickel Plant sa Candelaria, Zambales. Malalaking kompanya naman ang may operasyon sa katabing bayan nito na Sta. Cruz.
Aniya, nasira na ang mga bundok maging ang mga ilog at layunin ng gobyerno na pangalagaan ang mga tao. “Abandoning the people by disregarding their safety and needs is an outright dereliction of one’s duty,” wika nito.
MAY MAGAGAWA PA BA?
“Even before, I wanted to stop mining. But if it were not for the fact that it’s allowed by law, little could [be done] about it,” wika mismo ni Pangulong Duterte.
Aminado ang pangulo na maraming problema sa pagmimina, lalo na ang open pit mining ngunit hindi niya ito kayang ipahinto.
“I cannot stop mining because I’m not allowed to abrogate any law here. But I want to stop it because it has created a monster.” aniya.
Hindi rin daw gusto ng kaniyang economic managers ang pagpapasara sa mga kompanya sapagkat mawawalan ng P70 bilyon kada taon ang bansa.
Ngunit sabi nito na mas malaki pa ang mawawala kapag nangyari ang masamang epekto ng mina.
Nais din ng pangulo na kausapin ang Kongreso ukol dito sapagkat sila ang may kakayahan upang mabago ito.
Malaki ang ambag ng mina sa ekonomiya ng bansa at sagana rin ang lupain ng mga yamang mineral, ngunit kapag nagpatuloy ang hindi makatarungang aktibidad na hindi naaayon sa batas, maraming buhay ang maisasakripisyo nito.