HANNAH JANE SANCHO
HINDI sesertipikahan bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Sexual Orientation and Gender Identity or Expression o SOGIE Bill.
Ito ang paglilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kasunod ng pahayag ni Pang. Duterte ukol dito.
Ayon kay Panelo, hindi SOGIE Equality Bill, kundi ang Anti-Discrimination Bill ang isesertipika ng pangulo.
Sinabi rin ni Senate President Vicente Sotto III na nakakuha siya ng paglilinaw na ang Anti-Discrimination Bill ang handang sertipikahan ng presidente.
Naniniwala naman si Sotto na hindi pa nababasa ng pangulo ang proposed SOGIE measure pero posible aniyang ang Anti-Discrimination Bill ang tinutukoy nito.
Matatandaang ang SOGIE Bill ay isinusulong ni Senator Risa Hontiveros habang ang Anti-Discrimination Bill ay inihain ni Senator Juan Edgardo Angara.