PANGULONG Rodrigo Duterte ipinag-utos ang pagsusuri sa lahat ng kontrata at utang ng gobyerno sa China at iba pang bansa.
Ni: Jonnalyn Cortez
MARAMING kontrobersya ang inuugnay sa mga proyekto ng administrasyong Duterte. Nandiyan ang tinatawag na China debt-trap, pagdating ng mga manggagawang Chinese upang magtrabaho sa bansa, bilyun-bilyong utang, at marami pang iba.
Kaya upang alisin ang mga pagdududa, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsusuri sa lahat ng kontrata ng gobyerno, kabilang ang mga utang sa China, at alisin ang lahat ng makikitang may mabigat na probisyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sinabi ni Duterte na maaaring kanselahin ang mga kontrata at alisin ang ilang probisyon kung mapapatunayang makakaagrabyado sa bansa.
“The Chief Executive instructed all agencies to check and review all contracts entered into and remove onerous provisions that might be detrimental to the lives of the Filipinos,” sinabi ni Panelo sa isang pahayag.
Direktang iniutos ni Duterte kay Solicitor General Jose Calida, Department of Justice (DoJ), at lahat ng legal units ng ahensya ng gobyerno ang pagsasagawa ng pagsusuri.
“The President issued a directive that henceforth, he directed SolGen and Department of Justice to study all contracts entered into by the government to find out whether there are provisions that are onerous and against the interest of the Filipino people,” sabi ni Panelo. “And to do something about it, either to rescind or to cancel those contracts or to sue people who are behind those contracts which are unconstitutional.”
Una nang nagbabala si Senior Associate Justice Antonio Carpio ukol sa kontrobersyal na loan deals na ginagamit umano ang patrimonial assets ng bansa bilang collateral sa paggawa ng Kaliwa Dam Project at Chico River Irrigation Pump Project. Simula pa lamang umano ang dalawang proyektong ito ng mas marami pang “onerous agreements” sa China.
“The first two loans, Chico and Kaliwa, are just the beginning because this is a total of 12 to 24 billion dollars with several projects. So we have to be careful. We must remove these provisions that are disadvantageous to us,” wika ni Carpio.
SENIOR Associate Justice Antonio Carpio nagbabala ukol sa loan deals ng Pilipinas sa China na ginamit umano ang patrimonial assets ng bansa bilang collateral.
Concession agreements pag-aaralan
Ipinag-utos din umano ng pangulo ang pag-aaral ng concessionaire agreement ng Maynilad at Manila Water matapos ang nangyaring kawalan ng tubig noong Marso.
Nadismaya diumano ang presidente nang malamang hindi maaaring makialam ang gobyerno sa kontrata ng Maynilad.
“He found out that during the Ramos administration, there was a contract between Maynilad and the Republic of the Philippines and in that contract, the government, the Republic of the Philippines, was prohibited from interfering, intruding into the terms of the contract,” paliwanag ni Panelo. “That’s why we lost in the arbitration tribunal and I think we were made to pay P3.5 billion because according to the ruling, the government intervened and by reason of the intervention, Maynilad suffered damages.”
Kailangang masusing pag-aralan ang bawat kontrata ng gobyerno sa mga pribadong korporasyon at bansa upang malaman kung mayroong onerous provisions na maglalagay sa lahat ng Pilipino sa alanganin at lalabag sa konstitusyon.
Agad namang bumuo ng grupo si Justice Secretary Menardo Guevarra na magsasagawa ng pag-aaral.
“We have organized teams to conduct this review but my office as attorney general will need a lot of help from the Office of the Solicitor General to perform and complete this task at the soonest possible time,” pahayag ni Guevarra.
Ilan sa kanilang susuriin ay ang concession agreements ng public utilities at foreign loan contracts.
“Priority contracts for review include concession agreements on public utilities and foreign loan contracts. Target provisions are those perceived to be onerous, one-sided, disadvantageous to the government, and or contrary to public order or public policy,” dagdag pa ni Guevarra.
Matapos ang pag-aaral, magsasagawa ng bagong negosasyon upang ayusin ang kontratang makikitang lumabag sa Kontitusyon. Kung hindi magiging matagumpay ang pag-uusap upang sundin ang ating batas, mapipilitan ang gobyerno na gumawa ng ligal na hakbang para kanselahin ang kontrata.
“Contracts are subject to the will of the parties, but any stipulation, term or condition that is contrary to law, morals, public order or public policy may be abrogated or terminated,” paliwanag ni Guevarra.
SENATOR Grace Poe at iba pang senador na miyembro ng oposisyon sinuportahan ang utos ng pangulo na suriin ang lahat ng kontrata at utang ng gobyerno.
Oposisyon suportado ang utos ni Duterte
Nagpakita ng suporta ang oposisyon sa utos ni Duterte na suriin ang lahat ng kontrata at utang ng gobyerno.
“I support the review,” wika ni Senate minority leader Franklin Drilon.
Umaasa naman si Senator Francis Pangilinan na hindi magbabago ang isip ng Pangulo sa kanyang desisyon.
“We will wait for the results of the orders but in the meantime, we should remain vigilant and ready at anytime to expose and oppose loan agreements whose conditions run contrary to our laws and the national interest,” pahayag ni Pangilinan.
Sinang-ayunan din ni Senator Francis Escudero ang desisyon ng pangulo dahil isa itong pambansang interes at magsisilbing babala sa mga tao o kumpanya na hindi tatanggapin ng bansa ang onerous contracts.
Pinasalamatan naman ni Senator Joel Villanueva si Duterte sa dala nitong magandang balita, ngunit ikinagulat na hindi isinaalang-alang ang mga kontrata na pabor para sa Pilipino.
“We really have to be conscious all the time, that as we enter into long term agreements, that the welfare of Filipinos, present and future, were considered,” wika ng director general ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sinabi ni Senator Grace Poe na tama lamang ang ginawang hakbang ng pangulo dahil sa mga nakitang “red flags” sa kontrata.
“Tama lang naman dahil kita naman ng lahat na maraming red flags. If found to be disadvantageous, we must renegotiate these contracts immediately or cancel those that are not for the best interest of the country,” pahayag ng Senadora.
Nirerespeto umano ni Poe ang mga kontrata ng gobyerno, ngunit anumang kasunduan na makapipinsala sa Pilipino ay hindi dapat maisagawa.
Maaari umanong simulan ang pag-aaral sa pamamagitan ng paglalabas ng buong loan agreement, kabilang na ang annexes at oras ng pagpupulong ng mga magsasagawa ng pagsusuri.
Dagdag pa ni Poe, wala dapat kinalaman sa paggawa ng kontrata ang magsasagawa ng pag-aaral. Kailangan ding managot ang gumawa ng kasunduan kung malamang salungat ito sa interes ng bansa.
“Ano ang gagawin sakaling mayroong hindi tama? Sana ay may pananagutan ang mga sangkot sa pagbuo ng mga kasunduan na iyan kung makita itong kontra sa interes ng bansa o ng batas natin,” pagtatapos ni Poe.