PANGARAP ni Senator Manny Pacquiao na maging bahagi ng NBA at maging NBA team owner sa kanyang pagreretiro sa boxing.
Bukod sa boxing, isang basketball fanatic si Pacquiao at nagba-basketball siya para mapanatiling nasa kondisyon ang pangangatawan. Ito ang dahilan ng kanyang desisyon na itatag ang Maharlika Pilipinas Basketball League na kasalukuyang binubuo ng 30 koponan mula sa iba’t-ibang lungsod ng bansa.
Ayon sa ulat, umabot na sa US$500 milyon ang kinita ni Pacquiao sa boxing at plano niyang ipuhunan ito sa pagkakaroon ng isang koponan sa NBA. At may limang taon pa ang “Fighting Senator” bago tuluyang iwan ang boxing.
Sa edad na 40-anyos ipinamalas ni Pacquiao ang kakaibang lakas at tikas nang gapiin ang mas batang karibal na si Thurman via split decision para makamit ang WBA super welterweight crown.