JHOMEL SANTOS
TINAWAG na walang alam at ignorante ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo si US Senator Patrick Leahy.
Ito ay matapos manawagan ang US senator na palayain o bigyan ng patas na paglilitis si Senador Leila de Lima sa kinahaharap na kaso sa iligal na droga.
Giit ni Panelo, hindi muna inaral ni Leahy ang tunay na sitwasyon sa Pilipinas bago ito nagsalita sa publiko.
Aniya, ilang ulit nang nilinaw ng Palasyo na patas ang isinasagawang paglilitis sa kaso ni De Lima.
Dagdag pa ni Panelo, sa ngayon ay hindi na mababago ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawalang makapasok sa bansa si Senator Patrick Leahy gayundin ang kapwa US Senator nitong si Dick Durbin.
Magugunitang sina Leahy at Durbin ang nagpanukalang pagbawalang makapasok sa Amerika ang mga Philippine officials na pinaniniwalang nasa likod ng pagkakakulong ni De Lima.
Dapat na ipaliwanag sa gobyerno ng Amerika ang kaso ni Sen. Leila de Lima
Dapat na ipaliwanag ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez sa gobyerno ng Amerika ang kinahaharap na kaso at dahilan ng pagkakakulong ni Senator Liela de Lima.
Ito ang panawagan ni House Committee on Good Governance and Public Accountability Vice Chairperson Mike Defensor.
Ani Defensor, upang maiwasan ang anumang banta ang diplomatic crisis ay kinakailangan nang madaliin ni Romualdez ang pag-lapit sa gobyerno ng Amerika.
Giit nito, tungkulin ng Embahada ng Pilipinas sa Amerika na linawin ang detalye kaugnay sa kasong kinahaharap ni Leila de Lima at iba pang ibinabatong isyu sa pamahalaan sa paglabag sa karapatang pantao.