Pinas News
HINDI natin malilimutan nang sinalanta ng Bagyong Ondoy ang bansa at nakararanas ng pinakamataas na lebel ng tubig sa Kalakhang Maynila dahil sa walang patid na buhos ng ulan, ang pinakamatinding hampos ng panahon na nag resulta sa pagkawala ng maraming buhay at paglubog ng mga ari-arian.
Nangyari ito noong Setyembre 2009, at ngayon siyam na taon na ang nakararaan ay mistulang bahain pa rin ang Maynila. Mistulang walang ipinagbago ang pagtugon sa hamon ng panahon — mga baha at natural na kalamidad —na lalong nagpapahirap sa mga pamayanan at mga nasa laylayan ng lipunan.
Ito ay sa kabila nang malaki na rin ang nagagasto ng pamahalaan upang matugunan ang problema. Ngunit hindi natin maaaring basta na lamang ibuhos sa pamahalaan ang sisi. Nasa mga mamamayan na rin sa kani-kanilang mga lugar ang kailangang maging disiplinado lalo na sa pagtapon ng basura.
Malaki na rin ang pagkaiba sa bilang ng populasyon noong 2009 at ngayong 2018 —mas lalong lumaki ang populasyon sa Kalakhang Manila kaya naman malaki rin ang pagkakataongg lumaki rin ang bilang ng mga taong walang disiplina pagdating sa usapin ng basura.
Kamakailan lamang ay halos maulit muli ang senaryong Ondoy sa Kamaynilaan dahil sa walang tigil na pag-ulan at ayon sa nakita nating mga bidyo sa balita, lumubog sa baha ang maraming lugar dito.
Marami pa sa mahahalagang kalye ay hindi na madaanan ng mga sasakyan dulot ng flash flood na siyang nagresulta sa matinding trapik sa Kamaynilaan. Dahil dito maraming naantalang mga negosyo, mga tao na hindi makarating kaagad sa mahalagang patutunguhan. Napakalaking magiging epekto nito dahil lamang sa kawalan ng disiplina ng mga tao maging ng pamahalaan lalo na sa mababang yunit.
Napatutunayan lamang noong unang mga araw ng Agosto ang kawalan ng disiplina ng mga tao nang mag-umapaw ang basura sa Roxas Boulevard mula sa Manila Bay matapos ang halos biente kuwatro oras na pag-ulan.
Dahil dito ay hindi madaanan ng mga sasakyan ang dalawang bahagi ng naturang major thoroughfare, mabuti na lamang at dumating ang mga volunteers upang pulutin ang mga basura sa gitna ng daan.
Dapat ay hindi lamang sa gobyerno ituon ang problemang ito. May mga nagawa mang mga proyekto ang gobyerno para maibsan ang baha pero nawalan naman ito ng halaga dahil sa patuloy at walang pakundangang pagtapon ng basura sa mga ilog at mga kanal sa Maynila.
Marahil, dapat na ring pagtuunan ng pansin ang suliranin na ito mula sa hanay ng basic unit ng anumang bansa —ang bawa’t indibidual sa loob ng bawa’t pamilya sa barangay, munisipyo, probinsiya at sa buong bansa. Dapat magsimula sa grassroots pataas. Dito dapat magsimula ang disiplina habang isinusulong din ng pamahalaan ang pagsasaayos ng imprastruktura at pagpanday sa operasyon ng mga disaster mmanagement councils.