Nagbibigay tulong ang iodine upang maging balanse ang produksyon ng hormones sa katawan na nagmumula sa thyroid glands.
Ni: Shane Elaiza Asidao
NAGKAKAROON ng balanseng produksyon ng hormone dahil sa tulong ng mineral na tinatawag na iodine. Nagmumula ang mga hormone na ito sa thyroid gland na responsable sa metabolism, tumutulong sa paglaki ng katawan at nire-repair ang damaged cells na magdudulot ng iba’t ibang uri ng sakit gaya na lamang ng kanser.
Ngunit, ayon sa artikulo ng Healthline, marami sa atin ang maaaring kulang sa iodine o may iodine deficiency.
Kabilang sa mga kadalasang may iodine deficiency ay ang mga buntis, mga bansang kulang ang produksyon ng iodine gaya ng Timog-Silangang Asia, New Zealand, Timog Asya, at ibang bansa sa Europa, mga taong hindi gumagamit ng iodized salt at mga taong sumusunod sa vegan diet o mga vegetarian.
Dagdag pa ng Healthline ilan sa mga sintomas ng kulang sa iodine ang mga sumusunod:
- Namamaga ang leeg o tinatawag na goiter.
- Biglaang bigat ng timbang.
- Hypothyroidism o mababang lebel ng thyroid hormones
Dahil sa Hypothyroidism, makakaranas ang isang tao ng:
- Panghihina
- Mabilis lamigin
- Constipation
- Mabagal na tibok ng puso
- Paghina ng mga muscle
- Depression
- Mahinang memorya
- Pagbilog ng Mukha
- Paglalagas ng buhok
Kapag hindi agarang nalunasan, maaaring magkaroon ng iba’t ibang uri ng komplikasyon o sakit ang isang taong may kulang sa iodine. Ilan sa mga sakit na ito ang:
- Paglaki ng puso at o komplikasyon sa puso.
- Pagkakaroon ng mental health issues gaya ng depression at cognitive impairment
- Pagkabaog sa mga kababaihan
- Komplikasyon sa peripheral nerves.
Dagdag pa ng artikulo, sa kaso ng mga buntis, maaaring maging dahilan ito ng miscarrige, maagang panganganak at congenital abnormalities sa mga bagong silang na sanggol.
Bagaman seryoso ang sakit na ito, tamang diet ang isa sa pinakamabisang paraan upang maiwasan o mabigyang lunas ito. Kumain ng mga pagkain na mataas sa iodine tulad ng mga lamang dagat, itlog, patatas, prutas at ilang mga dairy products.
Gayunpaman, kapag nakaranas ng sintomas sa ganitong sakit, huwag isawalang bahala at kumonsulta sa doktor para agarang malunasan ang naturang sakit upang hindi na ito lumala pa.