“MASASABI mong worth it kapag nasa summit ka na.”
GREAT ESCAPE. Ang Mt. Maculot sa Cuenca, Batangas ay isa sa mga dinadayong hiking destinations sa bansa. (Larawang-kuha mula kay Sheryl Pascua)
Ni: Mica Joy Simon
‘Yan ang paglalarawan ni Sheryl Pascua sa kanyang mga naging hiking adventure. Isa lamang siya sa napakaraming tao na nahuhumaling ngayon sa ganitong klase ng outdoor leisure activity.
Kung mapapansin, nagiging mas popular ang hiking o pag-akyat ng bundok sa kasalukayan dahil sa impluwensiya ng mga social media platforms tulad ng Facebook, Twitter at Instagram kung saan naibabahagi ng mga hikers ang kanilang karanasan, na siya namang nagpapatindi sa kagustuhan ng iba na subukan ang ganitong adventure, lalo na iyong mga taong nais mag-unwind mula sa trabaho o kaya naman pag-aaral.
“Middle na ng 2016 noong nagstart akong mabighani sa hiking. Ito ‘yong time na puro sa bahay at trabaho lang ako. Sabi ko sa sarili ko, kailangan ko ng mapag-lilibangan,” wika niya patungkol sa kung paano nag-umpisa ang kanyang interes sa hiking.
Mula nang siya ay mag-umpisang mag-hike noong nakaraang taon, umabot na sa 14 na bundok ang kanyang naakyat. Kabilang sa listahan ang Mt. Pamitinan (Montalba, Rizal), Masungi Geo Reserve (Tanay, Rizal), Mt. Ulap (Itugon, Benguet), Mt. Pulag (Benguet), Mt. Maynoba / Mt. Cayabu (Tanay, Rizal), Mt. Haponang Banoi (Montalban, Rizal), Mt. Binacayan (Montalban, Rizal), Mt. 387 (Nueva Ecija), Mt. Maculot (Cuenca, Batangas), Mt. Batulao (Batangas), Mt. Paliparan (Tanay, Rizal) , Mt. Tagapo (Binangonan, Rizal), Tarak Ridge (Mariveles, Bataan) at Mt. Daraitan (Tanay, Rizal)
Ayon kay Pascua, layunin niyang mag-hike isang beses sa isang buwan. “Hanggang ngayon, nagagawa ko pa naman,” aniya.
Ngunit, bakit nga ba marami ang nabibighani sa hiking?
“Ang kagandahan ng pag-hike para sakin, aside sa fresh air na nalalanghap sa pag-akyat, nagiging exercise ko na rin,” wika ng dalaga.
Bukod rito, narito pa ang ilan sa mga benepisyo na naidudulot ng hiking sa ating katawan:
- Nagdudulot ng magandang pananaw o perspektibo. Ayon sa pag-aaral, ang 50–minute hiking ay isang magandang paraan upang mapabuti ang ating mental health.
Batay sa pag-aaral na isinagawa ng grupo ni Gregory Bratman mula sa Stanford University. ang hiking ay nakapagpapababa ng rumination.
Sa Psychology, ang rumination ay ang paulit-ulit na pag-iisip tungkol sa mga negatibong aspekto sa ating mga sarili o mga hindi kanais-nais na karanasan katulad na lamang ng pag-iisip sa mga nakakahiyang sitwasyon o nakakahiyang pahayag na ating nasabi sa iba. Dahil bumababa ang rumination ng isang tao sa pamamagitan ng hiking, nababawasan din ang depresyon.
- Pinabubuti ang iyong pag-iisip. Batay muli sa pag-aaral, ang mga taong may interaction sa kalikasan sa pamamagitan ng hiking o iba pang outdoor activity ay 50% na mas creative pagdating sa paglutas ng mga problema.
- Nagdudulot ito ng positibong mood o vibes. May mga pagkakataon na nagkakaroon tayo ng mabigat na pakiramdam dulot ng mga demanding tasks sa trabaho o kaya naman sa paaralan. Kaya naman isang magandang getaway activity ang hiking.
Pahayag ni Sheryl, “Kapag umaakyat ako sa bundok, nawawala iyong pakiramdam ng stress at failure. Tapos pagbalik ko sa trabaho, positivity na lang, dahil after ng pag-akyat, ang gaan na lang ng pakiramdam ko. [Hiking is] One of my precious escape.
- Nakababawas ng timbang. Isa ang hiking sa mga mainam na exercise para sa mga taong nais maging physically fit. Ito ay dahil halos 500 calories ang nababawas sa bawat oras ng paglalakad sa mga matataas na lugar.
- Pinalalakas ang iyong katawan. Dahil sa ehersisyo sa pag-akyat ng mga thrilling na trail, pinabubuti ng hiking ang ating bone structure at density.
- Binabawasan ang tiyansa ng pagkakaroon ng sakit. Ang mga taong mahilig maglakad-lakad at mag-hike ay may mas mababang tiyansa na magkaroon ng mga sakit o kondisyon na coronary heart disease at stroke, diabetes, high blood pressure at pagiging
Marahil, tayo ay naeengganyo nang subukan ang hiking. Ngunit kailangan nating maging handa. Ito ang ilan sa mga bagay na dapat isaalang-alang bago mag-hike, batay sa karanasan ni Sheryl:
- Map o compass. Kung may available map, mas magandang magkaroon ng kopya upang matiyak ang iyong kaligtasan lalo na at mapanganib ang ibang trail.
- Tamang kasuotan. Mahalaga na ikaw ay komportable sa iyong kasuotan kapag ikaw ay nag-hike. Mainam na ang leggings, plain shirt, at trail shoes. Isama mo na rin ang pagsusuot ng sumbrero upang hindi masyadong mainitin. Magdala ka na rin ng extra clothing.
- Iba pang hiking essentials. Isa sa mga hindi dapat kaligtaan sa pag-hike ay ang tubig upang hindi ma-dehydrate, pagkain tulad ng matatamis upang mas maging energized, sun protection tulad ng sunglasses at sunscreen at hangga’t maaari, magdala rin ng first aid supplies upang ika’y maging handa kung sakali mang magkaroon ng emergency.
- Physical preparation. Ayon kay Sheryl, makatutulong ang warm up exercise bago sumabak sa pag-akyat upang hindi mabigla ang iyong katawan sa tatahakin mong trail.
“Sa mga may gustong sumubok mag-hike, huwag kayong matakot. It’s a great experience. Challenging yet fulfilling. A great way to relieve some stress from the noise and traffic of the city,” panghihikayat ni Sheryl.
Kaya naman, kung matagal nang naka lista sa iyong bucket list ang pag-akyat sa bundok, isakatuparan mo na sa lalong madaling panahon, habang kaya mo pa, at habang may oras pa.