Ni: Jonnalyn Cortez
ISA si Kenneth Cobonpue sa mga pinakapipitagang furniture designer ng Pilipinas. At hindi lamang siya dito sikat, kungdi pati na rin sa ibang bansa. Sa katunayan, ilan lamang sa kanyang malalaking kliyente ang aktor sa Hollywood na si Brad Pitt at ang sikat na sikat ngayong TV personality na si Kylie Jenner.
Naitanghal na nga ang mga disenyo ni Cobonpue sa Milan at New York. Nakatanggap na rin ito ng maraming papuri, kabilang ang French Coup de Coeur award. Iprinoklama rin itong “rattan’s first virtuoso” ng TIME magazine noong 2017 dahil sa paggamit ng mga materyales na bamboo, rattan at abaca. Meron din itong tradisyonal na craftsmanship na may tampok na modernong disenyo.
Sa dami ng mga karangalang natanggap at pagiging kilala sa halos buong mundo, paano nga ba nagsimula ang isang Kenneth Cobonpue?
Pagsisimula ni Cobonpue
Nagsimula ang pagkahilig ni Cobonpue sa creative design sa maagang edad. Sa katunayan, namamalagi na ito sa pabrika ng muwebles ng kanyang pamilya sa edad na limang taong gulang lamang.
Dito, nagsimula siyang maglaro at magdisenyo ng mga kasangkapan gamit ang iba’t-ibang klase ng materyales. Naging dahilan nga ito ng pagiging interesado ni Cobonpue sa industriya ng mga muwebles na siya namang sinuportahan ng kanyang ina. Magkasamang dumadalo ng mga pagtatanghal ukol sa mga kasangkapan ang mag-ina sa iba’t-ibang bansa.
Noong 1996, pinamahalaan na nito ang negosyo ng kanyang pamilya at binenta ang kanyang mga obra at disenyo sa ilalim ng kanyang sariling pangalan. Kumpara sa iba, hindi rin hinayaan ni Cobonpue na mapalitan ang tatak ng kanyang mga muwebles.
“At least 90 percent of furniture makers in the Philippines still get sold under different names. It’s like we are a factory,” anito.
“And it’s very difficult to sell something in the upper end of the market associated with the brand Philippines since they think it should be cheap, thinking that it’s low-quality. So we always have to fight against that prejudice everyday.”
Pagmamalaking sinabi ni Cobonpue na may kakaibang disenyo ang kanyang mga obra, kaya naman tinatangkilik ito ng marami.
“I took up Design because I wanted to be a child. I think my designs bring out the child in other people because they smile when they see these. It’s like the child in me talking to the child in other people,” paliwanag nito.
Pagpapatunay ng sarili bilang Pilipino
Bago makamit ni Cobonpue ang kanyang kasikatan ngayon, dumaan din ito sa maraming pagsubok.
“First is the prejudice. People thought that because I am a Filipino and I came from a poor country, a third world country, then my items should be sold cheap,” kwento nito.
Isa nga sa mga pangunahing hamong hinarap nito ay ang kawalan ng tradisyon ng Pilipinas.
“In the Philippines, we don’t have a tradition, unlike in Italy where there is a long tradition of furniture making,” paliwanag nito. “It was very hard to market a premium brand, because there was no premium brand in the Philippines, whether in fashion, food, in any field.”
Pinakamahirap na parte nga raw nito ay ang kaisipan ng ibang tao ukol sa bansa.
“So when people think of the Philippines, they don’t think of luxury,” aniya.
Bunsod nito, determinado si Cobonpue na patunayang mali ang kanilang iniisip tungkol sa mga Pinoy. Nagtrabaho itong mabuti, doble pa ng kanyang karaniwang ginagawa upang maungusan ang kanyang mga kalabang taga Europa.
“I had to prove them wrong and show them that we Filipinos are world-class, that we are equal to them,” pagbibigay-diin nito.
Sa gitna ng kasikatang tinatamasa, nais ni Cobonpue na maalala ito ng mga tao sa paggawa ng daan para sa isang henerasyon ng mga Pinoy designer na maipakita ang galing sa buong mundo.
“I want to inspire our generation of Filipino designers, not only in furniture design but also in other fields,” hiling nito. “So I want to show people that it can be done. You can build a Filipino brand and go out there.”
Pagbangon at pagtatagumpay
Lahat nga ng naging hirap at determinasyon ni Cobonpue ay nagbunga ng higit pa sa inaasahan.
Nakakuha ito ng iba’t-ibang malalaking parangal. Ilan nga rito ang grand prize sa Singapore International Design Competition, French Coup de Coeur award, Design for Asia Award ng Hong Kong, at American Society of Interior Design Top Pick.
Bunsod nito, nakuha nga ni Cobonpue ang pansin ng buong mundo sa pamamagitan ng pagpapakita ng talento at pagkamalikhain ng mga Pinoy.
“What I do is always a testament to Filipino craftsmanship. Not many young people do it now, but this is a tradition that we should be proud of. This is something must passed on from one generation to another,” anito.
Payo sa mga nais sumunod sa kanyang yapak
Bilang isang creative professional, alam ni Cobonpue na ang inspirasyon ay maaaring makuha kahit saan.
“There’s really no mono-poly when it comes to inspiration. I can be inspired by anything, as mundane as bread… or cracks on the wall,” pangaral nito.
Sa katunayan, inihayag nito na nakakakuha siya ng mga ideya habang naglalakad. Agad naman niyang ginuguhit ang kanyang mga naiisip.
Natatalo rin umano ng pagtatrabaho ng maigi ang inspirasyon. “Those inspired moments are very rare because you always have to be in the right mood,” anito.
Pinapayo rin nitong wag hintayin ang inspirasyon bago simulan ang trabaho. Tulad niya, na maraming mga nakatakdang deadline at palabas, kailangan niyang magtrabaho ng maigi upang makagawa ng mga bagong disenyo at obra.
Malayo na nga ang narating ng dating batang taga Cebu na naglalaro lamang, ngunit nanatili ang pagmamahal nito sa Pilipinas at ang pagiging inspirasyon sa marami.