Ni: Jonnalyn Cortez
ISANG magandang regalo ang natanggap ng mga fans ni Nadine Lustre sa Cebu ngayong Pasko. Nagsagawa ang Kapamilya actress ng meet and greet sa North wing Atrium sa SM City Cebu, hatid ng make-up line nitong Lustrous.
Matapos pahangain ang lahat sa taglay niyang ganda sa nagdaang Asian Academy Creative Awards sa Singapore, pinasaya ng 26-anyos na dating miyembro ng all-female group na Pop Girls ang kanyang mga fans sa Cebu.
Hindi magkamayaw ang kanyang mga tagahanga nang masilayan si Lustre sa kanilang harapan. Meron pa ngang ilang maswerteng nakakuha ng larawan kasama ang aktres matapos makakuha ng passes mula sa kiosk ng kanyang make-up line sa SM City Cebu Department Store.
Nagpasalamat naman ang bida ng “Indak” sa kanyang mga fans sa isang post sa Facebook. “Thank you, Cebu,” wika nito na may kasamang dalawang selfie pictures.
Samantala, nagwagi bilang Philippine’s best actress si Lustre mula sa ACAA para sa kanyang pelikulang “Ulan.” Hindi naman nito nakuha ang overall actress award na napunta kay Shefali Shah na mula sa India.
Kasama ni Lustre ang isa pang Kapamilya actress na si Dimples Romana, na naiuwi ang Best Supporting Role para sa hit teleserye nitong “Kadenang Ginto.” Ngunit, sa kasamaang palad, hindi rin nito nakuha ang overall award na napanalunan ng 10-taong-gulang na aktres ng Myanmar na si Pyae Pyae.
Nagwagi rin ang kasama ni Lustre sa pelikulang “Ulan” na si Carlo Aquino ng Best Actor in a Leading Role, habang nakuha naman ni Irene Villamor ang Best Direction (Fiction). Itinanghal din si Tirso Cruz III bilang Best Actor in a Supporting Role para sa teleseryeng “The General’s Daughter.
Katulad ni Lustre at Romana, hindi rin nila nakuha ang overall category.
Sa karagdagan, nakatakdang dumalo ang nobyo ni Lustre na si James Reid sa Overpass Music Festival sa Oak Canyon Park sa Orange County, California, sa Marso 7, 2020.
Makakasama ng Kapamilya aktor ang Pinoy rapper at singer-songwriter na si Curtismith. Pangungunahan ng American singer-songwriter na si Jhené Aiko ang naturang event, na dadaluhan din ng South Korean singer at miyembro ng WINNER na si Minho, Thai artist na si Phum Viphurit at Malaysian artist na si Yuna.