Ni: Mica Joy Simon
Hindi man katulad ng basketball na labis na tinatangkilik ng mga Pinoy, kaabang-abang naman kung ano ang kahihitnan ng winter sports na ice skating at ice hockey lalo na at sa kauna-unahang pagkakataon, kabilang ang mga nasabing sports sa 29th Southeast Asian Games o Kuala Lumpur 2017 (KL2017) na gaganapin sa darating na Agosto 19-31 nitong taon.
Sasabak sa kumpetisyon ang Philippine Figure Skating team na pangungunahan nina Michael Martinez, Samantha Cabiles, Alisson Perticheto at Jules Alpe.
“This is the first time to feature ice sports in the SEA Games so we’re working very hard to show what the Philippines can do,” wika ni speed skater Kathryn Magno.
Paglago ng Winter Sports
Ayon sa kasaysayan, ang mga Dutch ang unang nakadiskubre sa sports na ito hanggang lumaganap ito sa England. Samantala, ang sports na ice hockey naman ay unang nakilala sa bansang Canada. Sa paglipas ng panahon, naging popular ang mga ito sa iba’t-ibang parte ng mundo.
Ngunit kung oobserbahan sa kasalukuyan, hindi pa gaanong kilala ang mga winter sports sa bansa, pati na sa Southeast Asia, ngunit unti-unti, mas nagiging interesado ang mga tao rito. Patunay dito ang pagkakabilang ng ice skating at ice hockey sa 2017 SEAG.
Sa gaganaping kumpetisyon, ang ice hockey ay mayroong isang male category na lalahukan ng mga atleta mula sa Malaysia, Philippines, Singapore, Indonesia at Thailand.
Para naman sa figure skating, mayroong Men & Women’s Individual category. Kabilang sa mga maglalaban-laban para sa titulo ay sina Bunthoeurn Sen at Mayor Neng ng Cambodia, Michael Christian Martinez, representante ng Pilipinas at si Cheyenne Goh na pambato naman ng Singapore.
Ayon sa Philippine Olympic Committee (POC), mayroong kabuuang 498 athletes na sasabak sa 38 categories na kinabibilangan ng mga sports na aquatics (swimming, water polo, open water at synchronized); archery; athletics; badminton; basketball (men and women); bowling (tenpin); boxing; billiards; cycling; equestrian; dressage (show jumping); fencing; football; golf; gymnastics (artistic, rhythmic); indoor hockey; ice hockey; judo; karate-do; lawn bowls; netball; pencak silat; muay; petanque; rugby 75; sailing; sepak takraw; shooting; squash; table tennis; taekwondo; tennis; triathlon; volleyball; wushu; weighlifting (men); at water ski.
Gold medal, nais maiuwi ng Philippine Team
Isa sa nais makamit ng bawat atletang sumasabak sa kumpetisyon ay ang maiuwi ang gintong medalya para sa bansa.
Pinoy pride kung maituturing si Michael Martinez dahil siya lang ang natatanging representante ng bansa sa gaganaping SEAG. Kaya naman nais niyang masungkit ang gold medal.
“I’m targeting gold, of course,” I think we do have an advantage sa figure skating especially now that other Filipino skaters that are training here are really training really hard to improve their skills to be able to get a place in the Southeast Asian Games,” wika ni Martinez.
Si Martinez ang pinakapopular na figure skater sa bansa. Napahanga niya ang marami nang masungkit niya ang ikalimang pwesto sa 2013 World Junior Figure Skating Championships at irepresenta ang Pilipinas sa 2014 Winter Olympics sa Sochi, Russia.
Maliban sa Seag, naghahanda na rin siya para sa Winter Games na gaganapin sa Pyeongchang, South Korea sa susunod na taon.
Siya ay nagsasagawa ng kanyang training sa Estados Unidos. Kabilang sa kanyang paghahanda ay ang paglalaan ng anim na oras at anim na beses sa isang linggo upang sanayin ang technical elements ng kanyang jumps, glides at spins sa tulong ng kanyang Russian, British, at American coaches. Samantala, hindi rin pahuhuli ang Philippine ice hockey dahil nais nilang mag-uwi ng karangalan para sa bansa.
“We’re not guaranteeing a gold but that’s what we’re aiming for,” pahayag ni Francois Gautier, tournament director ng Philippine International Hockey Tournament.
Bahagi ng kanilang paghahanda ay ang pagsali ng team sa Philippine Ice Hockey Tournament na isinagawa sa SM Megamall sa Ortigas.
“Hosting an event like this is our way of training our future athletes to compete in the next level. It’s a great training ground for our athletes,” wika ni SM Lifestyle business development manager Stephanie Henares-Dela Pena.
Samantala, hindi naman nagmamaliw ang suporta ng mga fans para sa mga pambato ng Pilipinas at umaasang maiuuwi nila ang kampeonato.
“I believe that once again, Michael Martinez will impress the world with his remarkable talent in figure skating,” wika ni Mary Milorrie Campos, isang fan ng 19-year old figure skater na si Martinez.
“To Michael and the rest of the Philippine team, go for the gold! Prove to the rest of the world that Filipinos can succeed in almost any field because of our innate talent and determination,” dagdag pa niya.