MELODY NUÑEZ
GAGAMITIN ng Philippine National Police para sa seguridad ng 30th Southeast Asian Games ang mga bagong biling trucks at helicopters upang matiyak na magiging matagumpay ang hosting ng bansa.
Mahigpit na seguridad ang inaasahang ipatutupad ng Pambansang Pulisya sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games sa bansa.
Ito ang tiniyak ni PNP Officer-in-charge Police Lieutenant General Archie Francisco Gamboa upang matiyak na magiging matagumpay ang hosting ng bansa sa nasabing sporting event.
Ayon kay Gamboa, ang mga bagong utility trucks at helicopters ay gagamitin sa deployment ng mga pulis na magbibigay ng seguridad sa SEA Games.
Pero pagkatapos ng SEA Games ay ipapamahagi na ito sa iba’t ibang regional police units sa buong bansa.
Kabilang sa mga ibinidang bagong kagamitan ng PNP kamakailan ay ang helicopters, EOD patrol vehicles, utility truck, mga armas, drones at combat helmets na nagkakahalaga ng 3.9 bilyong piso sa ilalim ng capability enhancement program.
Nasa 27,000 pulis ang ide-deploy sa SEA Games lalo na sa pagbabantay sa mga venue.
Una nang sinabi ni NCRPO chief Police Brigadier General Debold Sinas na simula sa November 25 ay itataas na sa full alert ang seguridad sa Metro Manila bilang bahagi ng SEA Games.
Samantala ipinag-utos ni Gamboa ang crackdown laban sa paggamit ng sirena, blinkers at unauthorized motorcycle escorts kasabay ng 30th SEA Games at holiday season.
Bilang paghahanda sa 30th Southeast Asian Games at holiday season, ipinaalala ni nito sa lahat ng PNP unit commanders ang mahigpit na pagpapatupad ng probisyon sa paggamit ng sirena, blinkers at motorcycle escorts.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Gamboa ang Letter of Instruction (LOI) 34/10 o “Action Plan Against Wang-Wang and Counter Flow” gayundin ng PNP Memorandum Circular No. 2017-049 o “Policy on the Provision of the PNP Mobile and Motorcycle Security Coverage.”
Tanging patrol vehicles at motorcycles, SOCO at SWAT vehicles, rescue vehicles at ambulansya ng pulisya ang maaaring gumamit ng sirena, blinkers at iba pang kahalintulad na gamit.
Pero sinabi ni Gamboa na posibleng magkaroon ng exemption dito ang fire trucks, ambulansya at iba pang rescue at emergency vehicles.
Ayon kay Gamboa, ang PNP motorcycles at mobile cars ay para lamang sa police patrol purposes at hindi sa ibang okasyon tulad ng kasal.