Ni: Shane Elaiza E. Asidao
KILALA ang ‘Solanum lycopersicum’ o Kamatis bilang isa sa pangunahing pinanggagalingan ng antioxidant na lycopene na nagsisilbing panlaban sa iba’t ibang uri ng sakit gaya ng heart disease o kanser.
Ngunit, hindi lamang sakit ang maaaring malabanan nang madalas na pagkain ng kamatis. Karaniwan din itong ginagamit na pampakinis o pampaputi ng balat.
Dahil sa taglay din ng kamatis ang iba’t-ibang sustansya gaya na rin ng Vitamin C, napatunayan na rin na ito ay mabisang pampaganda.
At sa panahon ngayon na marami ng lumalabas na makabagong produktong pampaganda at pampakinis ng balat na gawa ng iba’t-ibang beauty at cosmetics company, hindi lahat ay kayang bumili ng mga produktong ito.
At bukod pa sa kakulangan sa budget para rito, marami rin (kabilang na ang may kayang gumastos) ang mas gugustuhin ang natural na paraan sa pagpapakinis o pagpapaputi ng kutis. Kaya heto ang ilan sa mga benepisyo na makukuha sa pagkain o paggamit ng kamatis:
Pagkain at pag-inom ng kamatis
Dahil sa taglay nitong lycopene, magreresulta ang palagiang pagkonsumo nito sa mas glowing at natural pinkish skin.
Ayon rin sa mga eksperto, nagbibigay proteksyon din ito sa masamang epekto ng ultraviolet rays na nakukuha sa sikat ng araw at siya ring nagpapanatiling hydrated ang inyong balat at maiwasan ang pagiging dry nito.
Paraan ng paggamit: Puwede mo kainin ng hilaw ang kamatis matapos hugasan. Maaari ring pakuluan ito muna bago kainin. Mayroon din namang gumagamit ng juicer o blender upang makuha nang lubos ang katas ng kamatis. Ang organic juice na ito ay higit na masustansya at mas mura sa mga powdered juice o softdrinks.
Pagpapahid sa mukha o balat
Isa ring epektibong paraan ang external use o pagpapahid ng kamatis sa mukha o balat upang makuha ang mga sustansyang taglay nito. Binabawasan nito ang oiliness ng balat at mapipigilan ang pagkakaroon ng tagihawat.
Paraan: Matapos hiwain sa gitna ang kamatis, kailangan mo lamang ipahid sa iyong mukha bago matulog at iwanan ng 20 minuto bago banwalan. Puwede mo rin itong ipahid sa iyong balat bago at iwanan ng 30 minuto bago maligo.
Ilan lamang ito sa maraming pangkagandahan at pangkalusugang resulta ng paggamit o pagkonsumo ng kamatis.
Beauty tips picture caption: Magreresulta ng magandang kutis at malusog na pangangatawan ang madalas na pagkain ng kamatis.