SONA 2017
Reaksyon ni Rep. Gary Alejano sa SONA ni Pangulong Duterte
SONA 2017: ‘War on drugs’ magpapatuloy
Ni: Ma. Leriecka Endico
Kilala sa kanyang kampanyang tuldukan ang illegal na droga at kriminalidad sa bansa, inilahad ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalawang State of the Nation Address na magpapatuloy ang laban tungkol sa isyung ito.
Patuloy na naniniwala ang pangulo na illegal na droga ang ugat ng kasamaan na nagdudulot ng kriminalidad at hindi matatapos ang laban na ito hangga’t hindi tumitigil ang mga taong sangkot sa illegal na gawaing ito.
Ayon sa pangulo, hindi niya hahayaan na sa ilalim ng kanyang administrasyon na masira ang kinabukasan ng kabataan at mga pamilya dahil sa illegal droga.
“I have resolved that no matter how it take, the fight against illegal drugs will continue because it is the root cause of suffering” paliwanag ng Pangulo.
Nagbigay muli ng babala ang pangulo sa mga taong sangkot sa illegal na gawaing ito na tumigil dahil dalawa lang maaari nilang puntahan, “they have to stop because the alternative is either jail or hell” dagdag ng pangulo.
SONA: Duterte dinepensahan ang kanyang proklamasyon ng Martial Law sa Mindanao
Ni: Shane Elaiza E. Asidao
Tumagal ng halos dalawang oras ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginanap sa Batasang Pambansa.
Kasama sa mga binanggit ng pangulo ang isyu sa Marawi City at ang kanyang depensya sa pagdeklara ng sumailalim sa batas military ang buong lalawigan ng Mindanao.
Aniya, ito ang pinakamabilis na Parana upang labanan ang terorismo at protektahan ang mga nasa lugar.
Umabot sa libu-libo na mga residente ang nasa mga evacuation sites mula noong mangyari ang krisis sa lugar. Nagdulot ito ng kamatayan sa mahigit 100 security personnel at mga sibilyan.
Ayon sa pahayag ni Duterte sa kanyang SONA, “The battle of Marawi has dealt a terrible blow to our quest for peace.”
Pinayagan ng kongreso na pahabain pa hanggang sa katapusan ng taon ang proklamasyon ng batas military ni Pangulong Duterte. Ito ay matapos manalo ng gobyerno sa nakaraang pag-kwestyon ng Korte Suprema sa basehan ng proklamasyon.
Isa sa tinitingnan na pinakamabigat na problemang seguridad ng Administrasyon ay ang pagdami ng sumusumpa bilang maging kakampi ng grupong ISIS.
SONA 2017: ‘Makatotohanan ngunit positibo’
Ni: Ma. Leriecka Endico
Sa kabila ng makulimlim na panahon at protesta, matagumpay na naihatid ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang ikalawang State of the Nation Address, lunes ng tanghali ika-24 ng Hulyo sa House of Representatives.
Makatotohanan ngunit positibo ang ikalawang SONA ng pangulo ayon sa Presidential Spokesperson Ernesto Abella. Tinalakay ng pangulo ang mga nakaraang tagumpay ng bansa sa ilalim ng kanyang pamamahala, kasalukuyang estado nito at ang mga dapat asahan sa mga susunod pang taon sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Dumalo ang mga prominenteng tao sa bansa kabilang ang mga dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, Joseph Estrada at Fidel Ramos. Samantala, mas pinili naman ng dating pangulong Benigno Aquino III na sa telebisyon na lang panuorin ang nasabing SONA.
Bagamat sinalubong ng mga progresibong grupo ang SONA sa labas ng Batasang Pambansa upang magpahayag ng pagkadismaya sa administrasyon, marami pa rin ang taga-suporta ng pangulo lalo na sa kanyang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao
Rally sa ikalawang SONA ni Pangulong Duterte, mapayapa
Mapayapa at walang naitalang nasaktan sa mga nag-rally kahapon sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan Pambansa sa Quezon City.
Magkasabay na nagsagawa ng rally ang mga anti at pro Duterte supporters sa may Batasan Complex kahapon.
Ayon sa mga anti-Duterte bigo umano ang Pangulo na tuparin ang pangakong socio economic reforms sa hanay ng mga mangagawa sa bansa.
Pero para sa mga Duterte Youth, naniniwala silang nilalapit ng pangulo ang mga maliliit na mamamayan sa Pamahalaan at naipakita nito sa taumbayan na pinuprotektahan ang kanilang kapakanan sa pamamagitan ng pagsugpo sa iba’t ibang uri ng krimen, korapsyon at higit sa lahat sa droga.
Natakot naman ang mga anti-Duterte na baka hindi na sila makapag-marsta sa susunod na mga SONA kung patuloy na mapalawig ang Martial Law (ML) kaya dapat umanong pigilan ito habang maaga pa.
Nilinaw ng mga anti-Duterte na ang kanilang protesta ay laban sa extra judicial killings ng giyera laban sa droga at ML sa Mindanao.
Ilan sa mga grupo ng anti-Duterte ang mga kasapi ng Sanlakas, Partido ng Lakas ng Masa (PLM) at Bukluran ng Magngagawang Pilipino (BMP) na nag-martsa patungo sa tanggapan ng Bureau of Internal Revenue, upang tuligsain ang panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Program (TRAIN), ng National Housing Authority (NHA) para ipaabot sa mga ito na kailangan ng mga Pilipino ang disente, abot-kaya at ligtas na pabahay.
Nanawagan din sila sa Department of Natural Resources na itigil ang lahat ng proyektong may kinalaman sa coal.
Samantala, nag-rally naman ang Bayan Muna bilang protesta para maipaabot nila sa Pangulo na marami pa itong hindi nagawa sa kanyang mga pangako.
“Marami hong problemang kinakaharap ang ating bansa ngayon kaya protesta ang ating ihaharap sa Pangulo. Nais naming matalakay ang totoong kalagayan ng ating bansa,” paliwanag ni Renato Reyes, secretary general ng Bayan Muna.
Matatandaang noong nakaraang taon ay nag-rally din ang Bayan Muna ngunit bilang suporta sa Pangulo ngunit ngayon ay bilang pag-protesta na sa mga kakulangan nito.
Mahalaga rin umanong maipagpatuloy ang peace talks sa mga rebelde, maayos na reporma sa lupa, pabahay, libreng edukasyon at iba pa.
Sinabi rin ng Bayan-Pangasinan na tinututulan nila ang mga kabi-kabilang human rights violations sa war against drugs dahil mahihirap lamang ang nabibiktima nito at ang ML sa Mindanao.
Sumuporta rin sa nabbing protesta ang Anakbayan, Migrante International, Gabriela, Anakpawis, Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Anakbayan, Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pa.
Umabot naman sa 1,000 pares na mga sinelas, sandal at sapatos ang inihilera ng grupong anti-government protesters sa Commonwealth Avenue kahapon bilang simbolo sa mga inosenteng bikatima sa giyera kontra droga ng Pamahalaan.
Kumpirmadong na nasa 6,300 na mga pulis, na walang baril at armado lamang ng baston ang nagbantay sa SONA kahapon.
Tantiya ng mga militante umabot ng 30,000 ang bilang nila ngunit ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nasa 11,000 lang ang mga raliyestang dumagsa malapit sa Batasan Complex.