Tinanghal na NBA MVP si Nash sa dalawang magkasunod na taon.
Ni: Eugene B. Flores
SA isang bansang kilala sa larangan ng hockey, isang malaking inspirasyon si Stephen John Nash sa Canada at sa buong mundo sa pagpapatunay na may angking talento at kakayahan ang mga katulad niya upang makapaglaro sa National Basketball Association (NBA).
Hinirang bilang NBA Hall of Famer si Steve Nash matapos ang nakamamanghang karera sa mundo ng basketball.
Isa si Nash sa 13 miyembro ng Basketball Hall of Fame 2018.
“I was never even supposed to be here,” wika ni Nash sa entablado kaharap ang mga kaibigan, coach at pamilya.
LAKBAY PATUNGO SA ITAAS
“Play the long game. You don’t have to be the chosen one. If you’re patient, the plateaus will become springboards.” wika niya sa kanyang talumpati.
Ipinanganak noong Pebrero 7, 1974 sa Johannesburg, South Africa si Nash. Nag-migrate ang kaniyang pamilya sa British Columbia ngunit permanente nang nanirahan sa Canada.
Lumaki ang bagong hirang na hall of famer sa larong ice hockey at soccer kung saan isang professional soccer player ang kanyang ama.
Nag-umpisa naman siyang maglaro ng basketball sa edad na 13. Sumali sa iba’t-ibang invitational si Nash kung saan umasa ito na makakuha ng scholarship sa isa sa mga paaralan sa America. Ngunit walang nagpakita ng interes sa kanya bukod sa Santa Clara, na inamin niyang hindi niya kilalang paaralan.
Bagama’t nadala nito ang koponan sa ilang West Coast Conference Men’s Tournament titles, bigong makapaglaro sa ilang major college tournament si Nash na naging hadlang sa kanyang pangarap na makatungtong sa NBA.
Ngunit hindi siya natinag at nawalan ng pag-asa, hindi rin siya nagmadali. Nakapagtapos si Steve Nash sa kursong sociology at dito ay nagdesisyon siyang lumahok sa NBA draft kung saan kinuha siya bilang 15th overall player ng Phoenix Suns noong 1996.
Hindi naging mainit ang pagtanggap ng fans sa hindi sikat na si Nash at limitado rin ang oras nito sa court na nagresulta ng hindi impresibong mga numero.
Ngunit, di nagtagal, nagsimula ang pag-usbong ng karera nito nang makumbinsi ni Don Nelson, ang bagong head coach ng Dallas Mavericks noon, na lumipat siya ng koponan noong 1998.
Naging epektibo ang tambalan nila ng kapwa rising star noon na si Dirk Nowitzki at nadala ang koponan sa playoffs.
Taong 2004, bumalik si Steve Nash sa Phoenix Suns katambalan sina Shawn Marion, Joe Johnson at Amar’e Stoudemire. Makailang ulit silang nakapasok sa Western Conference finals ngunit kinapos upang makalagpas dito.
Bagama’t bigong makatikim ng kampyeonato si Nash, umani naman ito ng iba’t ibang parangal na nagbigay ningning sa kanyang karera.
Kasama ni Steve Nash (mula kaliwa) sina Ray Allen, Jason Kidd at Grant Hill sa 2018 Hall of Fame.
BUNGA NG PANGARAP AT PAGTITIYAGA
Kilala ang basketball bilang laro para sa mga higit na malalaki at malalakas. Wala si Nash ng mga katangiang ito ngunit pinatunayan niya na hindi ito hadlang upang maging isa sa mga tinitingalang manlalaro sa NBA.
Sumikat ang 6’3’’ na guard —na hindi katangkaran sa NBA kung saan may mga manlalaro na halos 7 feet — dahil sa kanyang basketball IQ at passing ability. Nagtala ito ng 8.5 assists per game sa kanyang 19 na taon sa liga. May kabuuan itong 10,335 assists, pangatlo sa pinakarami sa kasaysayan ng NBA.
Malaki ang naging epekto ni Steve Nash sa mga manlalaro sapagkat pinakita niya na hindi kailangang umiskor ng marami upang maging isang matagumpay na manlalaro.
Nagkamit din niya back-to-back ang Most Valuable Player award at walong beses na naging parte ng All-Star game.
Apat na beses din itong naging parte ng 50-40-90 club at limang beses na assist leader ng NBA.
“I was an underdog,” wika nito. “I scrapped and clawed my way into college and did the same again in the NBA. And I just never stopped and I kept working my way up. Eventually, I had the type of career that allowed me to be here. But when I came into the league I didn’t think there was anyone — myself included — that would have thought this would be the effect of my playing skills and ability.”
INSPIRASYON SA KABATAAN
Hindi maikakaila na isa sa pinakamagaling na guard si Steve Nash at isa sa pinaka-mapagkumbabang manlalaro sa kabila ng mga tagumpay na kaniyang natamo.
Naging mukha rin ng Canadian Basketball Team si Nash sa loob ng halos dalawang dekada. “His level of competitiveness drove Team Canada to win some great games and yet his biggest contribution may be how he has inspired the following generations to pick up a basketball. Wika ni Michele O’Keefe, presidente ng Canada Basketball.
Isa si Nash sa 13 miyembro ng 2018 Hall of Fame na kinabibilangan din ng dating teammate na si Grant Hill at Jason Kidd.
Tinapos ni Steve Nash ang talumpati sa pagbibigay ng inspirasyon sa lahat ng kabataan.
“For all the kids out there find something you love to do, do it everyday. Be obsessed. Balance can come later. Use your imagination, declare your intentions. Set small goals. Knock them off, set more goals. Gain momentum, built confidence. Go with deep belief, outwork people. Finally, never stop striving, reaching for your goals until you get there. But the truth is, even when you get there, it is the striving, fighting, pushing yourself to the limit everyday that you’ll miss and you’ll long for. You’ll never be more alive than when you give something, everything you have.”