SMNI NEWS TEAM
NITONG nakalipas na buwan ng Oktubre nang tumama ang 3 malakas na lindol sa bayan ng Tulunan, Cotabato.
Yumanig din ito sa ilang bahagi ng Mindanao na nagdulot ng labis na pinsala sa libo-libong mga ari-arian.
Sa naturang pagyanig, daan-daang indibidwal ang nasaktan, ilan ang nawawala habang nasa mahigit 20 ang kumpirmadong namatay batay na rin sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Libo-libong mga residente ang apektado at patuloy na natatakot sa tuwing may mga pagyanig o aftershocks na nagaganap.
Dahil na rin sa nakitang paghihirap ng mga apektadong residente agad nagpadala ng tulong si Pastor Apollo C. Quiboloy katuwang ang mga volunteer ng Children’s Joy Foundation Inc., at Sonshine Philippines Movement sa mga biktima ng lindol.
LIBO-LIBONG RELIEF ITEMS NATANGGAP NG MGA NASALANTA NG LINDOL
Agad hinanda ng mga volunteer ang libo-libong mga relief items para sa mga biktima.
Laman nito ay bigas, de latang pagkain, instant noodles, mga bottled water na maiinom at marami pa.
Ang mga malalayong barangay ng Magbok, Paraiso at Daig sa bayan ng Tulunan, na labis na naapektuhan ng lindol, ang pangunahing binigyan ng relief operation.
Dahil sa kakulangan ng mga evacuation site, ang mga residente ng Brgy. Magbok, na gumuho ang mga bahay dahil sa lindol, ay pansamantalang sumisilong sa isang coconut plantation.
CHILDREN’S JOY FOUNDATION INC. AT SONSHINE PHILIPPINES MOVEMENT TO THE RESCUE
Sa kabila ng paghihirap na dinaranas, namutawi ang kagalakan sa kanilang mukha nang makita nila ang mga volunteers ng Children’s Joy Foundation Inc. at Sonshine Philippines Movement na huminto sa kanilang lugar dala-dala ang tulong na kanilang kinakailangan.
Sinabi ni Mercelina Palma Gil, residente rin ng Brgy. Magbok, “Kada gabi, sa lupa nalang kami natutulog. Wala pa kaming magamit kahit trapal. Pati ang aking mga apo ay natutulog rin sa lupa.”
“Lubos akong nagpapasalamat kay Pastor Quiboloy dahil kahit nasa malayo siya, nasa Davao City nabigyan pa rin kami ng tulong niya. Salamat Pastor dahil naalala niyo po kami,” dagdag ni Nanay Mercelina.
Ikinuwento naman ni Daisy Moskera ang kanyang pag-alala sa kanyang mga batang anak kasunod ng lindol.
Anya, “grabe ‘yong pag-iyak ko dahil sa mga bata. Bahala na sana kung ako, ‘wag lang itong mga anak ko na mga bata pa. Wala pang kamuwang-muwang. Hindi pa nila lubos na naiintindihan ang paghihirap na dinaranas namin matapos ang lindol.”
“Thank you Pastor. Maraming salamat sa tulong po ninyo. Malaking tulong po itong mga ibinigay ninyo sa amin na nag-bakwit kami sa damuhan. Makakatulong po ang mga tulong ninyo para sa pang-araw-araw naming mga pangangailangan. Maraming salamat Pastor,” dagdag ni Daisy.
Sa Brgy. Paraiso naman, nasaksihan na ng mga residente ang unti-unting pag-unlad ng kanilang lugar sa pag-usad ng panahon.
Ngunit nakita rin nila kung papaano ang nakaraang mga malakas na pagyanig ay nagpaguho sa isang iglap lang sa naturang kaunlaran.
Sa kabila nito unti-unti namang lumiliwanag ang kanilang pag-asa nang kabilang sila sa mga tinulungan ng mga volunteer ng Children’s Joy Foundation Inc. at Sonshine Philippines Movement na may dala-dalang sangkatirbang relief items para sa kanila.
“Malaki ang pasasalamat namin kay Pastor Apollo dahil kabilang kami sa mga nabiyayaan ng kanyang malaking puso sa pagtulong,” pahayag ni Brgy. Paraiso Chairman Regeno Talingting Jr.
Malilban sa Brgy. Magbok at Paraiso, nagpadala rin si Pastor Apollo ng mga volunteers sa Barangay Daig— isa sa mga labis na naapektuhan ng lindol sa Tulunan.
Gaya ng unang dalawang barangay, ang Brgy. Daig din ay walang ilaw, at kuryente at ang mga residente ay halos walang-wala.
“Nag-tent nalang kami. Ang inaasahan lang talaga namin ay ang tulong mula sa gobyerno araw-araw. Stable na sana ang pamumuhay namin ngunit nangyari ang lindol. Ang bahay naming ay wala na, bagsak na. Sa gabi hindi kami makatulog dahil sa kakaisip kung papaano kami makabangong muli,” saad ni lola Simplicia Uyanguren ng Brgy. Daig habang umiiyak na kinukwento sa Sonshine Radio ang kanilang kasalukuyang estado matapos ang lindol.
Para sa kanila na sinisikap na makawala sa pagkagapos sa kahirapan, ang pagsira ng kanilang mga ari-arian na labis na pinagsumikapan dahil sa lindol ay lalo pang nagpatindi ng dinaranas nilang paghihirap.
IBA PANG TULONG NI PASTOR APOLLO, PANG-IMPRASTRAKTURA NAMAN
Walang mapagsidlan ng tuwa at saya ang naramdaman ng mga residente dahil sa kanilang natanggap na malaking tulong mula kay Pastor Apollo C. Quiboloy sa pamamagitan ng CJF at SPM.
“Malaki ang pasasalamat namin kay Pastor Quiboloy dahil sa malaking tulong niya dito sa aming barangay. Ang mga ito talaga ang pangunahing pangangailangan namin ngayon,” pahayag pa ni Lola Simplicia.
Hindi rito nagtatapos ang tulong na ibibigay ng butihing Pastor sa mga biktima ng lindol.
Ayon kay Rene Tagupa, CJFI Project Coordinator, “We are planning to do more round of not really a relief assistance but it’s a kind of assistance to address the infrastructure damages of the barangay. For example, the Day Care Center in Daig has been damaged so maybe we can address the problem of the Day Care Center because that is the also one of the programs of Children’s Joy under the community-based support program,”.
Tunay nga bilang isang pilantropo si Pastor Apollo ay hindi magdadalawang isip na agad magpadala ng tulong na kailangan ng mga biktima ng delubyo o kalamidad.
Hindi ito ang unang beses na nagpaabot ng tulong si Pastor Apollo sa mga apektado ng kalamidad.
Sa nakalipas na mahigit 15 taon, naging adbokasiya na ni Pastor Apollo ang pagtulong sa mga nangangailangan.
Matatandaang nang tumama ang mga malalakas na bagyo tulad ng Sendong, Pablo, Ondoy at Yolanda sa bansa agad nagpaabot ng tulong si Pastor Apollo sa mga nasalanta.