Ni Edmund C. Gallanosa
SAMU’T saring naglalakihang pelikula ang tinatangkilik ng mga manonood mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Magkakaiba man ang tema ng pelikula, basta pumatok sa panlasa ng mga manonood, kita ito sa takilya. Isa sa pangunahing tinatangkilik ng mga suki sa pelikula ang pagganap ng paborito o ginigiliw nilang mga artista. ‘Pag nasa pelikula ang paborito, sigurado dinudumog ng mga deboto.
Subalit alam ba ninyo na malaki ang impluwensiya ng isang pelikula sa paborito ninyong artista? Ang bawat pelikulang ginagawa ng mga artista ay maaaring makaganda o makasira ng kanilang career. Sa panahon ngayon, maging mga artista ay nag-iingat sa pagpili ng kanilang pelikulang gagawin.
Ngunit alam ba ninyo na may ilang piling artista na nalugmok sa alinlangan na ang kanilang pelikulang nagawa ay tatapos na sa kanilang career. Bagkus, hindi nila akalain simula pala ito ng pag-angat hindi lamang ng kanilang kita, pati na rin ng kanilang kasikatan. Minsan ang istorya sa likod ng isang pelikula ay mas makulay kumpara sa pumatok sa takilya.
Alamin natin ang ilan sa mga paborito nating artista, bigtime man sila, nag-aalangan din.
Sa buong akala ng aktor na si Arnold Schwarzenegger, na hindi papatok sa takilya ang ‘Terminator’ at halos itago pa niya ito sa mga kaibigan habang ginagawa niya ito.
Si Arnold Schwarzenegger sa pelikulang Terminator. Sino ba naman ang makakalimot sa Hollywood Blockbuster na Terminator? Na bagama’t pinasikat si Arnold ng pelikulang Conan the Barbarian at ng kaniyang sangkatutak na Mr. Universe title, ang Terminator ang nagdala ng katanyagan sa kaniya sa buong mundo.
Subalit alam ba ninyong binalaan si Schwarzenegger sa pagtanggap ng pelikulang ito? Ayon sa kaniyang agent, ang pagtanggap ng isang role bilang kontrabida ay maaaring magpalubog ng kaniyang career. Magkaganunpaman, tinuloy pa rin ni Arnold ang role kahit nag-aalangan siya rito.
Bagama’t tanggap ni Arnold ang role, hindi siya proud sa pagiging Terminator at sa katunayan ay hindi niya nakuhang ipromote ang nasabing pelikula. At nang maipalabas ito, tumabo ito sa takilya at isa na ito sa pinaka-iconic na pelikula sa kasaysayan ng Hollywood kung saan ang kontrabida ang tinuturing na bida sa pelikula. Umani ito ng limpak-limpak na papuri para kay Arnold bilang isa sa pangunahing action stars ng Hollywood sa hanay nila Sylvester Stallone at Bruce Willis.
Si CHRIS PRATT bilang si Peter Quill o ‘Star Lord’ sa pelikulang Guardians of the Galaxy
Chris Pratt ng Guardians of the Galaxy. Sino ba naman mag-aakalang maski ang superstar ng pelikulang Guardians of the Galaxy ay mag-aalangan din sa kanilang pelikula. Ayon kay Chris, duda na siya noong una pa lamang kung kakayaning tapatan ng Guardians ang kasikatan ng ilang Marvel movies tulad ng The Ant Man, Spider Man, Thor, Iron Man, higit sa lahat—ang Avengers. Sino naman daw sa mga fans ang magtitiyagang panoorin ang isang bida na nakikipag-usap sa isang ‘raccoon’ o sa isang puno—pabirong pahayag ni Pratt sa isang interview. Na bagama’t tinanggap niya ang alok na pagiging StarLord, hindi naalis sa kaniyang isipan ang kabahan sa nasabing proyekto. Tiyak siya, aniya, na hindi papansinin sa takilya ang pelikulang Guardians of the Galaxy.
Kabado man, nagkamali siya sa kaniyang akala. Hindi lamang napantayan nito ang ilang Marvel movies sa takilya, naungusan pa niya ang ilan pagdating sa fan base.
Si Keira Knightley para sa Pirates of the Caribbean. Ang pelikulang ito ay hinusgahan na nang maaga pa lamang habang ito ay ginagawa. Ang producer nitong si Michael Eisner ay halos pahintuin na ang pagsasa-pelikula nito dahil sa laki ng production costs, at isa sa mga batikang artista nito na si Keira Knightley ay nangumpisal sa isang interview na halos ilihim niya at itanggi sa mga kaibigan ang paggawa ng nasabing pelikula. Sapagkat para sa kaniya, sampu ng iba pa niyang kasama sa pelikula, kutob nilang hindi kikita ito sa mga sinehan. At sinong mag-aakala na hahakot pala ito ng milyun-milyon sa takilya, hindi lamang sa Estados Unidos kundi pati na rin sa ibang parte ng mundo at matatatak sa madla si Knightley bilang isa sa magaling na leading ladies ng Hollywood.
Nag-alangan na sa career niya ang batikang aktor na si Liam Neeson kung kaya nang magkaroon ng pagkakataong gumanap bilang aksyon star, ito ay pinatulan na niya sa pelikulang ‘Taken’ na pumatok naman sa pelikula.
Liam Neeson ng Taken. “An action-suspense movie with an unexpected plot and twist,” isa itong classic action movie na tumutumbok sa father and daughter relationship. Ayon sa panayam kay Liam, ang buod ng istorya na may temang ‘a man punches half of Europe to find his daughter’ aniya ay “too common for Hollywood” at inakala niyang lalangawin sa takilya. Magkaganunpaman, tinanggap lamang niya ang role dahil alam niyang hindi na siya magkakaroon ng pagkakataong gumawa ng isang action movie dahil sa siya ay may edad na kumpara sa ibang mga artista.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, kumita ang pelikulang Taken at nagkaroon pa ito ng dalawang sequel. Bagama’t common ang plot nito, hindi inaasahan ng madla na ang magandang takbo ng istorya sa pagitan ng isang “out of season” na amang naghanap sa kaniyang anak na kinidnap para gamitin sa white-slavery sa Europa ay tatangkilikin ng madla. Kung hindi pa ninyo napapanood ang pelikulang ito, ito ay highly recommended para sa lahat.
GEORGE Lucas sa Star Wars Episode IV
Si George Lucas ng Star Wars. Hindi makukumpleto ang listahan natin kung hindi mababanggit ang isa sa highest grossing film of all time, ang Star Wars Episode IV, noong lumabas ito dekada ‘70. Subalit alam ba ninyo na mismo si George Lucas, ang lumikha ng Star Wars Universe ay duda sa kaniyang pelikula na hindi kakagatin sa takilya. Iba naman ang pananaw ng kaniyang kaibigan na si Steven Spielberg, ang lumikha ng E.T.-Extra Terrestrial. Ani Spielberg, mas maganda at siguradong tatangkilikin ang Star Wars kaysa sa kaniyang nilikha nang panahong iyon, ang Close Encounters of the Third Kind. Dahil dito, nagkasundo ang dalawa na magpustahan, 2.5% ng kikitain sa Star Wars ay mapupunta kay Spielberg—sapagkat ganun kapanalig si Spielberg na kikita ang pelikula ni Lucas.
Ang resulta, kumita ng higit-kumulang 40 million dollars si Spielberg sa pelikulang Stars Wars: A New Hope. Bagama’t talo sa pustahan si Lucas, hindi naman naging masaklap sa kaniya ang nangyari sapagkat naging bilyonaryo naman si George Lucas dahil sa Star Wars franchise.