Ni: Eugene B. Flores
KAAKIBAT ng makasaysayang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang gabinete sa Jordan ay ang mga kasunduang pinirmahan ng dalawang bansa upang mas mapagtibay ang relasyon sa pagitan nila.
Naunang bumisita ang pangulo sa Israel bago ito lumipad patungong Jordan upang makipagkita kina King Abdullah II, ilang negosyanteng Jordanian at mga kababayang Pilipino doon.
Ito ang kauna-unahan pagkakataon sa kasaysayan na may bumisitang pinuno mula Pilipinas sa dalawang bansang nabanggit matapos ito ng pagtatag ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng dalawang bansa at Pilipinas noong 1976.
Ilan sa mga napag-usapan ng dalawang pinuno ay tungkol sa depensa ng Pilipinas sa mga banta ng terorismo, mga oportunidad na magreresulta sa trabaho, at ibang mga kasunduan ukol sa negosyo.
Pagsugpo sa terorismo pagtutulungan
Aminado ang dalawang bansa na pareho itong binubulabog ng mga extremist na grupo kaya’t naging matinding pagsubok ang pagsugpo sa mga ito lalo na’t patuloy ang paglago ng mga miyembro nito.
“So I think one of the main things that bind us together is the scourge of terrorism which is a challenge for our region and your region, for your country and my country,” sabi ni King Abdullah kay pangulong Duterte sa kanilang pagpupulong.
Aminado rin ang hari ng Jordan na ang problemang ito ay magtatagal ng mahigit isang dekada.
Bagay na sinang-ayunan ng pangulo, “And terrorism is the scourge of mankind today and it will take us about a lot more years to stop it. I really do not know how long. God’s will. But Insha’Allah, I hope that it will – maybe. Not so much for this generation but for the next generation for them to live comfortably,” wika nito.
Bilang tugon sa problemang kinahaharap ng dalawang bansa, sinabi ni Pangulong Duterte, “the arms that would be of great help. If there’s any value, it is of value and the friendship that goes with it.”
Kaugnay nito, nagbigay ang Jordan sa Pilipinas ng dalawang Cobra attack helicopter.
Pinirmahan din nila Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana at Jordan Armed Forces-Arab Army Joint Chiefs of Staff Chairman, Lt. Gen. Mahmoud Freihat ang Memorandum of Understanding (MOU) ukol sa defense cooperation.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ibibigay ang mga helicopter sa Pilipinas sa Hulyo 2019 matapos ang pagsasanay ng mga pilotong Pilipino.
Dagdag pa nito na magbibigay din ng mga rifle, rocket-propelled grenade, at mortar ang Jordan.
Madaling pagne’negosyo sa Pilipinas
Inimbitahan ng Pangulo ang mga negosyanteng Jordanian na kasama sa business forum na magtatag ng mga negosyo sa Pilipinas at nangako ito na magiging madali ang mga transaksyon para sa kanilang mga negosyo.
“There is one thing which I would like to guarantee you, maybe you’ve heard some other time of the Philippines being corrupt. Yes, most of them in the past. But I tell you now, I give you my solemn commitment that if you go there, it will be business with ease,” wika ng Pangulo.
Ginarantiya rin niya ang pagbalik ng mga pinuhunan ng mga ito at makaaasahang walang kurapsyon na mangyayari.
Aniya, pinag-iisipan din nito ang pagbubuo ng isang departamento upang tumanggap ng mga aplikasyon mula sa mga banyagang investor upang hindi na kakailanganging kumuha pa ng panibagong permit o clearance ang mga ito.
Binanggit din ng pangulo na kailangan ng bansa ng pera na magmumula mula sa mga investor upang matugunan ang pangangailangan ng lumalaking populasyon sa bansa.
“We have a lot of Filipinos in good numbers and they are here to make a living because things are pretty hard up,” saad pa nito.
Upang mas maengganyo ang mga negosyante, sinabi rin ng pangulo na bukas ang pamahalaan para sa family planning sa bansa na ukol sa kanya ay napipigilan dahil sa mga relihiyosong grupo.
Pinirmahan din nina Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez at State for Investment Affairs Minister Muhannad Shehadeh ang MOU para rito.
Nasaksihan din ng Pangulo ang pagpirma sa walong letters of intent (LOIs).
Pinirmahan din ang MOU para sa political consultations sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Expatriates ng Jordan. Pinangunahan ito nina DFA Secretary Alan Peter Cayetano at Expatriates Minister Ayman Safadi.
Pinangunahan naman nina Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III at Labor Minister Samir Murad sa paglalagda sa The Cooperation Framework for Employment of Domestic Workers at MOU sa Labor Cooperation.
Pinagtibay din ang marine relations ng dalawang bansa matapos pirmahan nina Jordan Maritime Commission Director General Salah Ali Abu Afifeh at Philippine Ambassador to Jordan Akmad Atlah Sakkam ang kasunduan sa pagitan ng Maritime Industry Authority of the Philippines at Jordan Maritime Commission.
Taas noo sa pagka’Pilipino
Nagbigay naman ng mensahe ang pangulo para sa mga kababayang nasa Jordan sa pamamagitan ni Ambassador Sakkam. “His message is to all Filipinos: Stand up with head erect, look people into the eyes, be a Filipino,” Sakkam said. “That is the message for this visit: To encourage our people to respect themselves and be honorable.”
Mahalaga rin umano ang pagbisita ng Pangulo upang mamulat ang negosyante sa dalawang bansa upang makita ang potensyal ng bawat isa.