Pinas News
MALAPIT ng matapos ang taong kasalukuyan. Ilang araw na lamang at haharapin na naman natin ang bagong taon. Napakabilis talaga ang pag-usad ng panahon. Mukhang mabilis din ang paglimot sa nagdaang kahilingan na maibalik ang makasaysayang kampana ng simbahan sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar.
Kumusta na kaya ngayon ang Balangiga bells? Sana matuloy ngayong taon ang muling pagbawi sa mga ito ayon sa pangako ng Ambassador ng Amerika sa Pilipinas. At kung hindi man ngayon taon ay sa madaling panahon sa kabila ng may mga sumasalungat nito.
Napakahalagang bahagi para sa mga Pilipino na maibalik ang mga kampana bilang kultura at pambansang pamana ng bansa. Ito ay sumasagisag ng katapangan at kabayanihan ng ating mga ninuno sa pakikipaglaban sa mga mananakop.
Hindi mawawaglit sa ating isipan ang kuwento ng Balangiga bells. Sa isang umaga ng Setyembre 28, 1901, ang pagtunog ng Balangiga bells ay hudyat ng pag-atake ng limang daan katao – ito ang mga Pilipinong nagrerebelde dahil sa pananakop ng mga Amerikanong militar – bitbit ang kanilang mga tabak at bolo na siyang nagbunsod sa pagkapaslang sa 48 bilang mga Amerikanong sundalo at bilang ganti ay bumalik ang tropa ng Amerikano sa Balangiga kungsaan kanilang binomba ang bayan ng mga kanyon at sinunog ang lahat ng mga ari-arian at kabahayan. Sinabing umabot sa 50,000 bilang ng mga Pilipino ang namatay sa naturang pagganti. Upang maipaghigante ang nasasawing mga kasamahang sundalo, dinala ng mga sundalong Amerikano ang tatlong kampana ng Balangiga pabalik sa Amerika.
Sa nagdaang mga panahon, dumaan ang mga kampana sa iba’t ibang base militar. Ngayon ang dalawa ay kasalukuyang nasa Wyoming at ang isa naman ay nasa base militar sa South Korea.
Hanggang ngayon ay nanatili ang mga kampana sa Air Force base sa Wyoming sa kabila ng iilang pagsusumikap mabawi ang mga ito at sa mga nabigong mga pangako ng mga nakaraang mga pangulo ng Amerika na maibalik ang mga ito.
Panibagong pagtangka naman ngayong taon ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte nang banggitin nito ang Balangiga bells sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na aniya ito ay pagmamay-ari ng mga Pilipino at bahagi ng national heritage ng bansa.
Nangako naman ang Amerika sa pamamagitan ng Ambassador to the Philippines na si Sung Kim na gumagawa na ng aksyon ang kanilang bansa upang pahintulutang maibalik ang mga kampana sa Pilipinas.
Sana sa pagkakataong ito ay mapagbigyan na ang kahilingan ng bansa sa iilang dekada na ring pagtangkang maibalik ito sa pamamagitan ng mga nagdaang mga pangulo. Malaki ang maitutulong sa pagbalik ng mga kampana dahil ito rin ay makapagpapababa ng tensyon ng dalawang bansa bunsod sa pakikialam ng Amerika sa mga kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa iligal na droga. Sa pamamagitan nito, maaaring gumanda ang relasyon ng dalawang bansa.