Ni: Jun Samson
PULITIKA o demokrasya? Ito ang dalawang katanungan kung ano ang maitatawag sa kontrobersyang
kinasasangkutan ngayon ng Korte Suprema, partikular na ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
May mga nagsasabi kasi na napulitika lang si Sereno kaya pinapa-impeach matapos na naging mainit sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte sa simula pa lamang ng panunungkulan sa Malakanyang na maraming kadahilanan. Sa isang banda ay may mga nagsasabi rin naman na that’s the beauty of democracy.
-
Kung inyong maaalala ay sinampahan ng impeachment complaint sa kamara de representantes si Sereno na dinidinig ngayon ng house committe on justice. Kapag nakitaan ng mga kongresistang miyembro ng komite na may probable cause ang reklamo ay iaakyat na ang complaint sa senado na tata-yong impeachment court. Ang mga senador naman ay magbobotohan o magdedesisyon para madetermina kung impeached o abswelto si Sereno. Pero ang dalawang tanong na iyan ay nadagdagan pa ng panibagong tanong. Naghain kasi ng petition for quo warranto sa Korte Suprema si Solicitor General Jose Calida.
Ibig sabihin ay kinukwes-tyon ang qualification ni Sereno para maging Chief Justice at hinikayat ang korte suprema na ideklarang null and void o bale wala na ang pwesto o appointment ni Sereno dahil hindi umano ito nakasunod sa mga requirements. Base sa reklamo at bukod sa kahilingan na ideklarang iligal o balewala ang appointment ni Sereno nuong August 24, 2012 ay hinihiling din na sibakin o tanggalin sa pwesto si Sereno. Ito ay dahil hindi nagsumite si Sereno ng kanyang SALN o Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth sa loob ng labing pitong taon gayung dalawampung taon siyang nagtrabaho bilang professor sa University of the Philippines College of Law simula 1986 hanggang 2006, pero tatlong taon lang ang naihaing SALN ni Sereno at ito ay 1998, 2002, at 2006.
-
Ang paghahain kasi ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno ay obligado at nasasaad sa Article 11, Section 17 ng 1987 Constitution at Section 8 ng Republic Act 6713, o iyung Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Samantala sa RA 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ang paglabag sa SALN law ay sapat na dahilan para matanggal o madismis ang isang public officer sa pamamagitan ng administrative proceedings o mga pagdinig.
-
Bukod sa paglabag umano sa SALN ay iginiit din ng OSG na hindi kwalipikado at iligal ang pagkakasali ni Sereno sa shortlist na isinumite ng Judicial and Bar Council kay dating Pangulong Noynoy Aquino. Ito ay dahil bagsak umano sa psychiatric test si Sereno kaya hindi umano kwalipikado sa pwesto.
Sa panig ng sambayanan o ng publiko, may magagawa ba tayo? Wala po mga kababayan! Ang tanging gagawin lang natin kung matatanggal ba sa pwesto si Sereno either sa quo warranto o sa pamamagitan ng impeachment ay maghintay na lamang sa magiging desisyon ng korte suprema o ng mga mambabatas. Parang karera yata ah? Tila mag-uunahan ang kamara at Korte Suprema sa pagtanggal kay Sereno sa pwesto?