Ni: Jonnalyn Cortez
NAGING palaisipan sa mga kapwa artista at fans ang post ni Maja Salvador sa Instagram noong nakaraang Valentine’s Day na isang bouquet ng bulaklak na may misteryosong card.
“Thanks for being my Valentine again after 9 years…” ang nakasulat sa naturang card na sinadyang hindi kinunan ang pangalan ng nagbigay.
Simpleng bulaklak na emoji lang ang nilagay ni Maja na caption nito, na lalong nagpalakas sa bulung-bulungan na maaaring nagbalikan na sila ni Rambo Nuñez.
Dumagsa ang napakaraming comments sa post ng Kapamilya star, kabilang na ang mula sa dating mga katrabaho niya sa afternoon teleserye na Wildflower na kanyang pinagbidahan sa ABS-CBN.
“For the baby baby come back!!!!” comment ni Roxanne Barcelo na tila may alam kung kanino galing ang bulaklak.
Tawa at heart emojis naman ang sinulat nina Aiko Melendez, Sunshine Cruz at ang best friend ng aktres na si Kakai Bautista.
Tinukso naman si Maja ng komedyante na si Pooh at naintriga rin ang mag-asawang Marco Alcaraz at Precious Lara Quigaman nang tanungin ng mga ito kung “wala bang initials?” at kung “totoo ba? na sinagot ng isang netizen ng pangalan ni Rambo.
Kasunod nito, naglabasan ang mga larawan sa isang bar nina Maja at Rambo kasama ang mga kaibigan. At, tila magkahawak-kamay pa ang dalawa.
Hindi ito ang unang beses na na-link si Maja kay Rambo. Kung matatandaan, 2010 pa ng umugong ang mga bali-balita na meron silang relasyon.