Ni: Dennis Blanco
ANG Sustainable Development Goals (SDGs) na tinatawag noong Millennium Development Goals (MDGs) ay kumakalat na makubuluhang konsepto sa larangan ng kaunlaran ng mga tao, bansa at pandaigdigang pamayanan.
Marahil ay dahil sa dulot nitong implikasyon sa pangaraw-araw nilang gawain at pamumuhay. Sinasalamin nito ang tunay na kalagayan ng bawat pamayanan at bansa sa aspeto ng kanilang sosyal, ekonomikal, politikal at environmental na pag-unlad na kung saan ang bawat aspeto ay kinabibilangan ng iba’t ibang layunin ng kaunlaran.
Ang mga layunin na ito ay magkaka-ugnay at mahalaga na ang bawat isa ay bigyan ng pansin para makamtan ang balanse sa tunay na kaunlaran. Ayon sa United Nations, ang Sustainable Development Goals ay binubuo ng 17 na layunin na dapat makamit ng bawat bansa sa 2030 na binubuo ng 1) Walang Kahirapan, 2) Walang Kagutuman, 3) Magandang kalusugan at pagkatao, 4) Kalidad na edukasyon, 5) Pagkapantay-pantay ng kasarian, 6) Malinis na tubig at sanitasyon, 7) Mura at malinis na enerhiya, 8) Marangal na trabaho at maunlad na ekonomiya), 9) Industriya, teknolohiya at imprastraktura, 10) Pagbawas ng di-pagkapantay-pantay, 11) Sustainable na mga lungsod at pamayanan, 12) Responsableng produksiyon at konsumpsyon, 13) Aksyon sa klima, 14) Buhay sa ilalim ng tubig, 15) Buhay sa lupa, 16) Kapayapaan, katarungan at matibay na institusyon at ang, 17) Pagtatambalan para sa layunin.
Ang 17 sustainable development goals ang siyang magsisilbing gabay kung ang isang pamayanan, ito man ay lokal o nasyonal na pamahalaan, ay binabalangkas at isinasakatuparan ba sa kanilang mga plano, batas, ordinansa, inisyatibo at proyektong nakasaad sa kanilang programang pangkaunlaran. Mapapansin na mas malawak, mas kumpleto at mas buo ang konsepto ng Sustainable Development Goals kaysa sa dating konseptong Millennium Development Goals. Subalit ang tagumpay ng pagkamit ng mga ito ay nakasalalay hindi lamang sa kamay ng mga gobyerno at mga bansa, higit pa pa man, ito ay nakasalalay sa pakikiisa at pakikibahagi ng bawat mamamayan sa kanilang payak na uri ng pamumuhay araw-araw. Paano nga ba maipapahayag at maisasabuhay ng bawat mamamayan ang kanilang pakikiisa upang makamit ang mga sustainable development goals?
Ilan lamang mga halimbawa ay, a) magbigay ng bagay na sobra at di na natin kailangan ito man ay pera, damit, laruan at pagkain sa ating mga kababayang kapus-palad, b) kumuha lang ng pagkain na kaya nating ubusin at hangga’t maari iwasan natin ang may matira sa hapag-kainan dahil maraming tao ang walang makain c) ugaliing gumamit ng baso habang nagsisipilyo o tabo’t timba habang naliligo kaysa gumamit ng tuluyang tumutulo na gripo at shower para makatipid sa tubig, d) gumamit ng flourescent lights and bulbs kaysa mga dilaw na ilaw at tanggalin sa saksakan ang kagamitang appliances kung di naman ginagamit, e) maglakad at magbisekleta kung kinakailangan, f) ihiwalay ang nabubulok at di-nabubulok na basura upang ma-recycle pa ito, g) huwag gumamit ng plastic bags para mapanatiling malinis ang mga ilog at dagat, h) magtanim ng puno at, i) palalimin ang kaalaman sa climate change o global warming sa pamamagitan ng panonod ng mga dokumentaryong tumatalakay dito tulad ng “An Inconvenient Truth” at “The Eleventh Hour.”
Ilan lamang ito sa mga payak na halimbawa kung paano ang bawat isa ay magiging katuwang ng mga pamayanan at bansa para matupad ang mga adhikain ng Sustainable Development Goals. Sa bandang huli, mahalaga na maunawaan natin na ang katuparan ng mga ito ay nakasalalay sa lahat ng sektor ng lipunan tulad ng pamahalaan, pamilya, simbahan, eskuwelahan, media at civil society. Dahil ang katuparan ng Sustainable Development Goals ay dulot ang kaunlaran, kapayapaan at pagkakaisa ng mga institusyong panlipunan.