Pinas News
ISINAILALIM na sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Pangasinan.
Ito ay dahil sa nararanasang lagpas tao o sampung talampakan ang taas ng tubig-baha sa ilang barangay ng Calasiao bunsod ng patuloy na pag-ulan dulot ng habagat na dala ng Bagyong Josie.
Kabilang dito ang barangay Talibaew, Gabon, Lumbang, Longos, at Buenlag.
May ilang lugar din sa mga bayan ng Lingayen, Lasip at Aliwekwek ang nakakaranas ng lagpas taong tubig-baha.
Sa pinakahuling ulat, umaabot na sa mahigit isang libong indibidwal ang nailikas na at inaasahang madadagdagan pa sa mga susunod na araw.
Apektado ng bagyo, tumaas
Umakyat na sa labing tatlo katao ang nasawi habang pitong mangingisda ang nawawala sa pagbayo ng habagat at magkakasunod na Bagyong Henry, Inday at Josie.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), malaking bahagi ng mga lalawigan sa Central at Northern Luzon, maging sa Region 4-A ay apektado ng malawakang pagbaha at landslide.
Sa ngayon ay patuloy ang pagmomonitor ng NDRRMC sa mga lugar na apektado ng pag-ulan at baha.