Ni: Eugene Flores
SA isang tropikal na bansa na napalilibutan ng mga karagatan at baybayin hindi maikakaila na nasa arkipelago ang ilan sa mga pinakamagagandang lugar sa buong mundo.
Matatagpuan sa norte ng isla ng Mindoro ang isang sikat na destinasyon —ang Puerto Galera. Ang sikat na bakasyunan ay dating daungan ng mga barko, kung kaya’t ipinangalan sa lugar ang Puerto Galera na nangangahulugang “Port of the Galleons.”
Taong 2005 nang mapasama ang lugar sa Most Beautiful Bay na isinagawa ng Les Plus Belles Baies (The most Beautiful Bays in the World), organisasyon na matatagpuan sa Paris.
Bilang kasapi ng naturang titulo, pinatunayan ng Puerto Galera na tunay itong paraiso para sa mga naghahanap ng adventure, saya, at nais mag-relax.
Tampok sa lugar ang island hopping tour, na siyang isa sa mga higit na dinarayo ng mga bisita sa isla. Dahil bukod sa makamasang presyo, tiyak din na busog ang mga mata sa ganda ng Bayanan Beach, Sandbar Island at Haligi Beach. Maaari pang mag-snorkelling sa ibang parte ng Puerto Galera.
Sikat ding dive spot ang Puero Galera dahil sa mayabong nitong likas yaman. Kaliwa’t kanan ang mga diving center dahil sa tunay na kamangha-manghang ganda nito sa kailaliman.
Tunay na para sa mga naghahanap ng adventure ang Puerto Galera sapagkat mayroon din itong iba’t-ibang waterfall na maaaring dayuhin. Nariyan ang Tamaraw Falls, Aninuan Falls, Tukuran Falls, at Talipanan Falls.
Habang bumibisita sa mga kamangha-manghang lugar sa Puerto Galera, matutunghayan din dito ang lugar ng mga katutubong Mangyan at ang kanilang tradisyunal na pamumuhay.
At kung napagod sa buong araw na paggagala, maaring magpahinga sa mga beach habang pinagmamasdan ang pulutong ng mga tala at nilalantakan ang mga putaheng hain ng lugar.
Samut-saring tanawin, makasaysayang lugar, at marami pang iba ang maihahandog ng Puerto Galera para sa mga turista na tiyak magpapalawak ng kanilang kaalaman at mga tanawing magpapamangha sa kanila. Ang Puerto Galera, tunay na isa sa pinakamagandang lugar sa buong mundo.