Ni: Vick Aquino Tanes
Misa de Gallo o Simbang Gabi, ito na marahil ang kumukumpleto sa tradisyong Pilipino tuwing sasapit ang kapaskuhan sa Pilipinas. Madaling araw man o gabi ay kailangang magsimba sa loob ng 9 na araw dahil ayon sa paniniwala ng iilan ito raw ay tutupad ng kahilingan. Pero paano ba nauso ito sa bansa?
Nagsisimula ang simbang gabi mula ika-16 ng Disyembre hanggang ika-24 ng Disyembre bago ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesukristo. Ang misa sa madaling araw ang pinakabantog na tradisyon ng Katolikong Pilipino.
Nagsimula ang kaugaliang ito noong panahon ng Kolonyalismong Kastila. Inumpisahan ito sa Mexico noong taong 1587, nang payagan ng Santo Papa ang paring Mehikanong si Diego de Soria na isang prayle, na magdaos ng mga misa sa labas ng simbahan upang mapaunlakan ang malaking bilang ng mga mamamayang ibig makinig ng misang pang gabi.
Sa Pilipinas, nag-umpisa ang tradisyon noong 1669, nang magsagawa ang mga pari ng mga pang madaling araw na misa para sa mga magsasakang nais dumalo ng misa tuwing pasko na hindi maiwan ang kanilang sakahan.
Ang mga Pilipino ay gumigising tuwing madaling araw para dumalo sa misa upang ipakita ang kanilang malalim na pananampalataya sa Diyos, bilang paghahanda sa araw ng Pasko.
Ilan sa mga nakasanayan ng mga Pilipino na may kaugnayan sa Simbang Gabi ay ang pagtitinda ng mga nakaugaliang pagkain na tulad ng:
- Puto bungbong (kulay ube na gawa sa malagkit, nilalagyan ng niyog at ng asukal na pula)
- Bibingka (tinatawag ding putong bibingka)
- Ibat ibang klase ng suman pero mas sikat ang suman sa ibos
- Mainit na pandesal
- At mga inuming salabat, tsokolate, tsaa, at kape.
Kadalasan silang nakikita sa tabi ng simbahan para sa mga dumadalo ng simbang gabi. At walang nakakatanggi sa masarap na amoy ng mga pagkain na ito
Processed meats, nakaka-heart attack umano?
Hindi kumpleto ang Noche Buena kung wala sa mesa ang bacon, hotdogs, ham, tocino o longanisa. Sino ba naman kasi ang di masasarapan dito na sa paningin pa lang ay gugutumin ka na.
Masarap sa mata ngunit masakit sa bulsa, dahil na rin sa taas ng presyo ng mga karne lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan. Pero alam n’yo bang nakasasama rin pala sa kalusugan ang palagiang pagkain ng processed foods?
Ayon ito sa pag-aaral ng mga researchers ng Harvard School of Public Health.
Ang isang maliit o three-ounce serving of red meat sa loob ng isang araw ay nagpapataas ng mortality rate ng 13 percent o dili kaya ay mataas ang tsansang maagang mamatay dahil sa pagkakaroon ng mga sakit.
Ayon pa sa pag-aaral, ang pagkain ng processed meat ay may malaking sintomas ng pagkakaroon ng cancer, heart disease at diabetes.
Kasabay nito ang pag-aaral sa pagkain ng karne ng manok o gulay bilang kapalit ng processed foods. Ikinagulat ng mga researchers ang malaki ang kaibahan nito dahil mababa lamang ang naging tsansa ng kanilang mortality rate dahil ang pagpili sa pagkain ng karne ng manok kumpara sa procesed foods ay mas tumatagal ang buhay dahil mababa lamang sa cholesterol at fats ang manok.
Dagdag pa, tinutukan nila ang pagkonsumo ng red meat, lalo na ang processed meat na base sa kanilang pag-aaral ay premature death ang kahahantungan nito.
Ngunit ang pagpili ng mas masustansyang klase ng protina kapalit ng red meat ay nakapagpapababa ng tinatawag na chronic disease morbidity at ang maagang kamatayan.
Hindi naman po nakasasama ang pagkain ng processed foods basta limitado lamang sana ang pagkain at mas mainam na mas tangkilikin na lamang ang mga pagkain na sariwa.