Ni: Ana Paula A. Canua
NARANASAN niyoba noon na alukin sa loob ng classroom ng tinitindang biscuit, minatamis, o kaya naman ay mga dekorasyon na nagmula raw sa loob ng selda? Kung oo, marahil nagtataka kayo kung totoo nga ba ito at paano ito nangyayari. Ngunit mahalagang isipin na isa rin itong patunay na kakaunting suporta lamang ang nakukuha ng livelihood program ng mga nasa kulungan sapagkat kailangan pang pumunta sa iba’t ibang lugar para tangkilikin ang mga produktong ginawa nila.
Napapaisip kayo marahil, sa mangilan-ngilan na kulungan at napakaraming preso paano nga ba nagagawa ang mga produktong ito?
ANG GURONG NASA KULUNGAN
Imbes na pumasok sa silid-aralan, pumapasok sa kulungan si Prof. Bernadeth Gabor para magturo. At bilang isang guro sa puntong iyon, mag-aaral ang mga tinuturuan niya at hindi tinatanaw na mga preso.
Nagsimula lamang sa pakiusap ng isang kaibigan ang pagtuturo ni Dr. Bernadeth Gabor sa Bataan District Jail (BDJ) para maitaguyod ang cottage food selling ng kanilang pastry products. Ang pastry business na ito ang pinagmumulan ng kita ng mga preso, suporta para kahit nasa piitan sila ay kumita at matulungan kahit paano ang pamilya sa labas.
Dahil sa layuning mapalago ang maliit na negosyong sinimulan nabuo ang programang “HOPE BEHIND BARS”, na nagtataguyod sa mga preso na matututo, at kumita, gayundin para sa kanilang paglaya ay mabigyan sila ng pag-asang magsimula muli.
MGA TAGA-SAUDI
Ayon kay Teacher Bernadeth imbes na preso, residente ang tawag nila sa mga nakapiit. At imbes na kulungan, Saudi ang tawag nila. Biro niya, “We call it Saudi imbes na jail, ‘uy kailan ka umalis sa Saudi’”. ito ay para maiwasan ang panghuhusga sa mga nakapiit dahil ‘di maikakaila na mayrooong pag-unawa na lahat ng nasa kulungan ay masamang tao.”
Pag-amin ni Teacher Gabor, “Hindi lahat ng nasa jail ay may kasalanan, yung iba ay biktima lang ng pangyayari, at sa paglabas nila kailangan natin silang suportahan , wag natin sila katakutan. At para sa mga may kasalanan talaga, may panahon sila sa loob para magbago, lahat ‘yon napagsisihan na nila sa loob.”
MAY PAG-ASA SA LIKOD NG REHAS
Sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), Technical Education Skills and Development Authority (TESDA), Rotary Club of Balanga, at Bataan State Peninsula University, mula sa isang maliit na bakery, ngayon ay dalawa na ito at may kumpletong equipments. Patuloy ang programa at dumaraming residente ang natutulungan ng hanap-buhay sa likod ng rehas.
Mula sa 800 ngayon 2,000 mahigit na ang residente na enrolled sa programa. At mula sa iisang guro, ngayon ay may 50 na guro na ang bahagi ng pag-asenso ng programa, nagbunsod din ito para magbukas ng sampu pang livelihood program kabilang ang welding, automotive, dress making, candle making, t-shirt making, dressmaking, health and sanitation at home service.
Bunsod din sa pambihirang dedikasyon na binibigay ng mga nakikiisa sa livelihood project nagbukas ito ng oportunidad para sa tatlong iba pang kulungan na ipatupad ang parehong programa—ang Balangga City Jail, Dinalupihan Municipal Jail, at Olongapo City Jail.
Sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan, habang kumikita sa mga ginagawa nilang produkto, magkakaroon ang mga mag-aaral ng diploma mula sa TESDA, ito ang magiging susi nila para makakuha ng trabaho sa labas. Isa sa mga naging matagumpay ay ang isang residente na noong paglaya ay nabigyan ng pagkakataon na maging chef sa cruise ship at ngayon at baker na sa bansang Oman.
“Ang vision ko rin sa kanila ay yung mabalik yung tiwala nila sa sarili, na kaya rin nila, whether to put up a business on their own kahit maliit lang. Don’t lose hope, nandyan ang Lord na tutulungan kayong magbago…kailangan lang nilang magtiyaga sa tulong na hinahandong sa kanila” dagdag pa ni teacher Gabor.
Kapa (REHAS) na pagsisikap
Bigyan natin ng pagkakataon ang mga preso, para hindi lamang sa likod ng rehas ang kanilang pag-asa kung di hanggang sa paglaya. Ang produktong ginagawa nila ay katulad din ng hanap-buhay na mayroon sa labas— ito ay ginawa sa paraang marangal. Kaparehas natin, ang binibigay nilang pagsusumikap ay para rin sa pamilya.