Ni: Ana Paula Canua
ISANG hindi pangkaraniwang empleyado ang nadagdag sa primary school sa Finland, ito ang kanilang bagong language teacher na si Elias, isang humanoid robot.
Sa pamamagitan ng software nito ay may kakayahan si Elias na magsalita at makaunawa ng 23 lengguwahe, nakaprogram din ito para matukoy at maitala ang kakayahan ng mag-aaral at kung saan ito nahihirapan. Hindi lamang matalino ang robot na ito dahil kaya din nitong magpakita ng gilas sa pagsayaw ng “Gangnam Style.”
“In the new curriculum the main idea is to get the kids involved and get them motivated and make them active. I see Elias as one of the tools to get different kinds of practice and different kinds of activities into the classroom,” pahayag ni Riikka Kolunsarka, language teacher sa nasabing paaralan. Batid ng mga kapwa-guro ni Elias na hindi ito banta sa kanilang trabaho, sa halip ay makatutulong si Elias para sa karagdagang istilo ng pagturo.
May taas lamang na one foot si Elias at mula sa SoftBank’s NAO humanoid interactive companion robot. Si Elias ay gumagamit ng software na Utelias, isang educational software para sa social robots.
Nauna na rito nagkaroon na rin ng Math robot na si OVObot, isang kwagong robot na may laki lamang na 10 inches.
“The robot, not being a thinking individual, is unable to pose questions, elicit responses, prod for discovery learning and point a child towards engaging in a new train of thought or develop new ideas. It is also unable to meet the emotional needs of children.” Ito ang pahayag ni Melissa Bea, guro sa MY World Preschool sa Singapore, paaralan na gumagamit na rin ng robot sa pagtuturo.
Tulad ng ibang intelligent machines gaya ng telebisyon at computers kung saan labis ang interes na pinapakita ng mga bata, kaparehas din na interes ang nilalaan nila sa humanoid robots, dahil sa kanilang kasabikan na makausap at malaman ang kakayahan nito.
Layunin ng proyekto
Layunin ng pilot project na mapag-aralan ang epekto ng robot teachers, kung ito ba ay nakabubuti sa kalidad ng pagtuturo at pagkatuto ng mga bata.
Sa obserbasyon ng mga guro at scientists, kumpara sa ibang educational gadgets na ginagamit sa loob ng classroom, mas naglalaan ng atensyon ang mga mag-aaral sa patuturo ng mga robots. Ito’y hindi para tuluyang palitan na ang mga guro, kundi para matulungan lamang sila na maturuan ang mga bata. Nakatatak din sa isipan ng mga bata na tila laro lamang ang pagkatuto. At dahil robot ang kanilang kausap, hindi sila nahihiya o natatakot dito.
Nao at Milo roboteachers para sa mga batang may autism
Sa Singapore at Texas, kauna-unahang assistant teacher si Nao at Milo na nagtuturo sa mga batang may autism. Taong 2014, pinakilala sa Top cliffe Primary School si Nao. Layunin ni Nao na turuan ang mga bata ng social interaction. Iniisip mo marahil na bakit robot ang nagtuturo ng social interaction gayong wala naman itong totoong emosyon?
Ayon sa paaralan, dahil may espesyal na pangangailangan ang mga batang may autism, nakatulong si Nao at Milo para magbigay ng simplified interactions o yung simpleng mga social exchange na mas madaling masusundan ng mga batang may autism.
Mas kontrolado rin ng mga robot ang lebel ng pagtuturo sa mga batang may autism, ibig sabihin kapag nahihirapan matuto ang bata, maaari nitong ulit-ulitin ang pagtuturo hanggang sa makuha ito ng mag-aaral, mula doon paunti-unti ay mag-aadvance ang robot para maturuan pa ang bata at para mapabuti ang pakikisalamuha nito sa lahat.
Ayon naman sa website ng RoboKind’s sa tulong ni Milo, naobserbahan ang 70 percent difference sa improvement ng mga batang may autism kumpara sa traditional therapy. Dahil din sa teknolohiyang ito mas matutukan ng robot ang kanya-kanyang pangangailangan ng mag-aaral. “Every child is so unique, and we are finally at a point in time when we can create the exact right personalized environment to optimize a child’s potential, Artificial general intelligence and robotics are creating the perfect technology enhancements to complement educational techniques in the future,” pahayag ni Eric Shuss, mula sa kompanyang RoboKind.
Peligro ng robots sa mga bata
Upang mas mapalawak ang kaalaman at teknolohiya ng larangan ng robotics at social interaction, nagsagawa ng karugtong ng pag-aaral si Sherry Turkle, social psychologist sa MIT media Lab, na kalaunan ay naging libro na may pamagat na “Alone Together” kung saan tinalakay ang epekto ng mechanical helpers sa mga bata . Ayon kay Turkle maaring magdulot ng false relationship sa pagitan ng mga bata at robots.
“Why are we working so hard to set up a relationship that can only be ‘as if’? The robot can never be in an authentic relationship. Why should we normalize what is false and in the realm of [a] pretend relationship from the start?”
“The damage is potentially great, not to what children ‘learn’, but to who they are, their capacity for relationship.”
“It is from other people that we learn how to listen and bend to each other in conversation, the developmental implications of children taking robots as models are unknown, potentially disastrous.”
Ayon sa kanya kahit gaano kalayo ang marating ng teknolohiya ng robots, hinding-hindi ito magiging sapat para maturuan ang mga bata ng totoong pakikipag-kapwa tao. Giit niya, walang duda na lubos na kapaki-pakinabang ang mga teacher robot dahil sa talino at bilis nitong mag-isip ngunit hanggang pagpapayabong ng intelektwal na kapasidad lamang ang maaring maituro nito.
Dagdag pa rito, walang kakayahan ang robot teachers na magdisiplina ng mga mag-aaral, kaya naman sa huli magsisilbi lamang talaga na katulong sa pagtuturo ang mga robot at hindi maaring ipaubaya ang pagkatuto ng mga bata.