Ni: Jonnalyn Cortez
PINANGALANANG bagong ambassador ng anti-piracy campaign ng Optical Media Board (OMB) ang aktres na si Angel Locsin sa isang press conference na isinagawa ng ahensya kamakailan.
Napili ang Kapamilya star dahil sa kanyang mga kawanggawa, personal na adbokasiya, at suporta sa Philippine National Red Cross. Dahil sa mga ito, naisip ng OMB na gawin si Angel na mukha ng bagong kampanya laban sa pamimirata na #NgayonNa.
Layunin nitong bantayan ang pagsasagawa at pagrereplika ng optical media, kabilang na ang mga pelikula at palabas sa telebisyon.
Sa inilabas na press release sa website ng OMB, sinabi nitong naniniwala ang ahensya na ang mga katangiang meron si Angel ay sumasalamin sa adhikain ng kanilang mga adbokasiya laban sa pamimirata.
Ilan sa mga bagong papel ni Angel bilang ambassador ay ang kayang aktibong partisipasyon upang i-promote ang “intellectual rights ng producers, composers, at iba pang media creators.
Sa katunayan, lumabas na si Angel sa isang informercial na ginawa ng kanyang fiancé na si Neil Arce na dinirek ni Tey Clamor kasama ang aktor na si Cholo Barretto.
Pangalawa na si Angel na pinangalanang anti-piracy ambassador ng OMB matapos ang isa pang Kapamilyang aktor na si Piolo Pascual.
Huling nakita si Angel sa telebisyon sa programang The General’s Daughter sa ABS-CBN.