EUGENE FLORES
NAGPAKITA ng intensyon na maglaro para sa national baseball team ng Pilipinas ang dating starting quarterback ng Denver Broncos na si Tim Tebow.
Ipinanganak sa Makati si Tebow noong 1987 kung kaya’t malaki ang posibilidad na makapaglaro siya sa bansa.
Dati na ring naglaro ng baseball si Tebow matapos ang maikling karera sa National Football League o NFL.
Naglaro siya sa Syracuse Mets noong 2016.
Malaki ang maitutulong nito sa kampanya ng koponan na lalaban para sa natitirang dalawang spots ng 2021 World Baseball Classic.
Kabilang ang Pilipinas sa pool ng Spain, Panama, New Zealand, Czech Republic at Great Britain.
Bagama’t hindi maingay sa Pilipinas ang larong baseball, malaking impact ang madudulot ni Tebow para sa koponan at maging sa imahe ng isports na baseball sa bansa.
Nakalista na rin sa official lineup si Tebow bilang outfielders ng koponan na pinamumunuan ni head coach Wilfredo Hidalgo.
Kamakailan din ay nakuha ng baseball team ang gintong medalya sa SEA Games kung saan ang Pilipinas ang nag-host.
Mangyari matagumpay ang maging kampanya sa 2021, magiging makasaysayan ito para sa national baseball team matapos bigong makapasok sa mga nagdaang World Baseball Classic.