Ni: Vick Tanes
LUBOS na pinag-iingat ang lahat sa mga sakit, partikular na yung mga nakakahawa dahil iba na ang takbo ng panahon kaya mas madaling kapitan ng sakit ang mga taong mahina ang resistensya.
Kung dati-rati ay sisipunin lang kapag pawis ang likod, iba na ngayon, bawat kilos mo ay papawisan ka na kasabay ng pagbahin at ang simula ng sipon. Kung maulanan naman, lagnat agad ang kasunod; mausukan, uubuhin ka agad, tumalon nang mataas ay mapipilayan.
Ayon sa pag-aaral, madali nang magkasakit ang mga tao ngayon dahil na rin sa karakarakang pagbabago ng klima, sa polusyon at maging sa mga pagkain.
Hindi naman maiiwasan na makabili ng mga pagkaing may chemicals ngunit may paraan naman upang makaiwas sa sakit at mapangalagaan ang katawan upang makaiwas sa sakit.
- Laging maghugas ng kamay. Hugasan ang kamay palagi bago at pagkatapos kumain, pagkatapos magpunta sa palikuran at tuwing matatapos sa anumang gawain at kahit saan tayo galing, lalo na kung mula tayo sa pampublikong lugar. Gasgas man o luma na ang habit na ito, ay talaga namang napaka-epektibo.
Lagi rin dapat na aware tayo sa ating pagbahin at pag-ubo, Dapat iwasan natin na maikalat ang mga mikrobyo. Magagawa ito sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay. Kung bumahin o umubo sa ating mga kamay ay agad na hugasan ito, iwasan na hawakan ang mata, ilong at bibig, pati na ang ibang gamit sa paligid upang hindi mai-transfer ang germs sa ibang tao.
- Pagkontrol sa mga peste o anumang insekto. Dapat na tiyakin na hindi pinamumugaran o pinamamahayan ang ating tahanan ng mga peste tulad ng daga, lamok at marami pang insekto, di lang sa loob ng bahay kundi maging sa labas at sa paligid ng mga kapitbahay.
Oras na mayroong peste sa ating paligid ay agad silang lipulin upang maiwasan ang dala-dala nilang banta sa ating kalusugan.
- Panatilihing malinis at malusog ang mga alaga. Kung may mga alaga o pets sa bahay ay dapat na tiyakin natin na malusog sila.
May posibilidad na makakuha ng impeksyon ang mga tao mula sa mga hayop, kaya dapat magkaroon ng magandang habit na alagaan sila gaya ng pagpapakain ng tama, pag-dispose sa kanilang dumi ng maayos, pagpapaligo sa kanila at ang regular na pagbisita sa kanilang vet at pagpapabakuna.
- Itago o iimbak ng maayos ang pagkain. Mas mainam kung laging sariwa ang lulutuin. Maiging mamalengke araw-araw. Ngunit kung kailangang mag-imbak ng pagkain lalo na kung tag-ulan at upang makatipid sa oras, tiyakin na maitatago ang pagkain sa malinis at maayos na lugar.
Ang mga pagkain gaya ng meat, dairy at poultry products ay maaaring pagmulan ng impeksyon lalo na kung hindi naitabi nang maayos. Kung hindi pa lulutuin ang karne at iba pang pagkain ay ilagay sila sa tamang taguan gaya ng refrigerator. At ang mahalaga sa lahat ay lutuing mabuti ang mga karne.
- Magkaroon ng sapat na pahinga. Kapag ang isang tao ay walang sapat na pahinga may malaking posibilidas na tumaas ang stress level at bumaba ang productivity, kasama pa ang posibilidad na humina ang immunity. Dapat na tiyakin na nakakapahinga nang sapat araw-araw kahit ano pa ang ating gawain. Magkaroon din ng sapat na tulog.
- Magpabakuna. Sundin ang mga rekomendasyon para sa flu shots at iba pang vaccines upang makaiwas sa impeksyon.
- Huwag mag-self medicate. Ang pagiging palaasa sa gamot ay lubos na nakababahala. Iwasan ito dahil ang katawan ay magkakaroon ng resistance to medications dahil sa hindi kinakailangan at madalas na pag-inom ng gamot na hindi ipinayo ng doktor.
- Takpan ang sugat. Kapag may sugat, takpan ito lalo na kung malaki at bukas. Kapag naka-expose ito, may posibilidad na maimpeksyon ito at makaantala pa sa paggaling nito.
- Magdebelop ng good hygiene. Practice good hygiene. Pinakamabisa ay ang pagligo araw-araw at pagsuot ng malinis na damit. Bukod dito, praktisin ang good oral health care. Sa madaling salita, magsipilyo tatlong beses araw-araw.
- Maging updated sa usaping pangkalusugan. Dapat na laging aware sa paligid lalo na kapag tungkol sa kalusugan.