AGAD na binawi ni pop superstar Justin Bieber ang hamon nitong Mixed Martial Arts fight o MMA fight laban sa Hollywood action star na si Tom Cruise.
Ito ay matapos mag-viral at maging mainit na usapan ang Tweet ni Jbeebs kung saan hinamon nito ang “Mission Impossible Star” sa isang UFC fight.
Paglilinaw ng pop star, nagbibiro lamang siya nang i-post ang naturang Tweet.
Aniya, isang random joke lamang ito kung saan nagkataon na si Tom Cruise ang pumasok sa kaniyang isip.
Pag-amin pa ni Justin, alam niyang kayang-kaya siya talunin ng beteranong aktor sakaling magkatotoo ang laban.
Magugunitang mabilis na nag-viral ang hamon ni Bieber kay Tom kung saan maski ang UFC champion na si Conor McGregor ay nag-alok na i-host ang event.